Diskurso PH
Translate the website into your language:

Si Sandro Marcos ang pumili ng bagong House Speaker? — Pulong Duterte

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-18 00:07:03 Si Sandro Marcos ang pumili ng bagong House Speaker? — Pulong Duterte

MANILA Mariing itinanggi ni House Majority Floor Leader Sandro Marcos ang akusasyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na siya umano ang pumili kay Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker.

Ayon kay Duterte, tila isa lamang umano itong “cover-up move”, kung saan pinalitan lamang ang mukha ng liderato ngunit nananatili pa ring bulok ang sistema.

Ngunit agad itong pinabulaanan ni Marcos at iginiit na dumaan sa tamang proseso at konsultasyon ang pagpili sa bagong lider ng Kamara.
“I can assure you, we are consultative with all the party leaders. Puwede n’yo silang tanungin. Kung nagpakita sana si Cong. Pulong dito sa trabaho sa session, baka makikita rin niya. But I’m sure he is busy looking for the P51 billion,” matapang na pahayag ng Majority Floor Leader.

Nag-ugat ang palitan ng pahayag matapos lumitaw ang isyu ng pagpapalit ng liderato sa Kamara, na nagdulot ng samu’t saring reaksiyon mula sa iba’t ibang panig ng politika. Sa kabila ng mga akusasyon, nanindigan si Marcos na ang proseso ay patas at naglalayong mapanatili ang pagkakaisa sa Kongreso.

Samantala, wala pang tugon si Rep. Duterte sa matinding patutsada ni Marcos, ngunit inaasahang lalalim pa ang bangayan sa pagitan ng dalawang mambabatas habang nagpapatuloy ang isyu sa liderato ng Kamara. (Larawan: Facebook)