Pekeng pulis sa Navotas, arestado!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-18 01:15:02.jpg)
NAVOTAS — Arestado ang isang 46-anyos na lalaki sa Navotas City matapos mabisto ng mga awtoridad na nagpapanggap itong pulis.
Ayon kay Police Colonel Renante Pinuela, hepe ng Navotas City Police Station, nahuli ang suspek habang nagsasagawa ng covert patrol ang mga pulis sa Marikit Street, Barangay Tanza Uno. Napansin agad ng mga operatiba ang kakaibang suot ng lalaki: uniporme ng District at Regional Mobile Force Battalion na ipinares lamang sa shorts — isang hindi pangkaraniwang kombinasyon para sa lehitimong pulis.
Lalong nagduda ang mga pulis nang makita ang malaking tattoo sa kaliwang braso ng suspek, bagay na hindi pinahihintulutan o karaniwang tinatakpan alinsunod sa regulasyon ng PNP. Nang tanungin, umamin ang lalaki na hindi siya miyembro ng pulisya.
Nadiskubre rin na may kasaysayan ng kriminalidad ang suspek. May nakabinbin siyang warrant of arrest mula sa korte sa Malabon dahil sa paglabag sa anti-littering ordinance. Bukod dito, nakulong na rin siya ng apat na taon dahil sa kasong may kinalaman sa droga bago nakalaya noong 2021.
Nakumpiska sa kanya ang isang di-lisensyadong baril, na sasailalim sa ballistic examination upang malaman kung ginamit na ito sa ibang krimen. Samantala, iginiit ng suspek na ginawa lamang niya ito “sa trip” upang hindi raw siya sitahin ng mga awtoridad.
Nahaharap siya ngayon sa kasong Illegal Use of Uniforms or Insignia sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition (RA 10591).
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo ng suspek, lalo’t tumitindi ang pangamba sa bansa hinggil sa mga nagpapanggap na miyembro ng kapulisan. (Larawan: Navotas CPS, NPD)