‘Kung hindi niya kinompronta ‘to, hindi tayo ganito kagising sa katotohanan’ — Ka-Tunying, pinuri si PBBM sa pagharap sa isyu ng korupsyon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-18 01:33:56
MANILA — Binati ng mamamahayag na si Anthony “Ka Tunying” Taberna si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtindig at pagtutok sa mga isyung kinahaharap ng bansa, partikular na sa usapin ng korupsyon.
Sa kanyang programang UncuTunying Live ngayong araw, sinabi ni Taberna na mahalagang hakbang ang ginawa ng Pangulo upang mabuksan ang mas malalim na diskurso ukol sa kalakaran sa gobyerno.
“Infairness dito kay PBBM, kung hindi niya kinompronta ‘to hindi tayo ganito kagising sa katotohanan,” ani Ka Tunying. Dagdag pa niya, kung mananatiling tikom ang administrasyon, posibleng hindi mabuksan ang kamalayan ng taumbayan sa lawak at lalim ng katiwalian sa sistema.
Matatandaang lumalakas ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor na imbestigahan ang mga umano’y anomalya sa paggamit ng pondo ng gobyerno, kabilang na ang isyu sa flood control projects at iba pang budgetary allocations.
Para kay Ka Tunying, ang pagtindig ni Marcos Jr. laban sa mga katiwalian ay nagsisilbing paalala sa mga nasa kapangyarihan na hindi maaaring balewalain ang panawagan ng mamamayan para sa transparency at accountability.
Kung hindi gagalaw ang liderato, hindi rin gagalaw ang taumbayan. Pero ngayong nabuksan ito, mas lalong magiging mapanuri ang mga Pilipino.
(Larawan: Anthony Taberna / Fb)