Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lalaking tumutulong lang sana sa mga estudyante na tumawid sa spillway, patay matapos malunod sa Catanauan, Quezon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-17 23:37:50 Lalaking tumutulong lang sana sa mga estudyante na tumawid sa spillway, patay matapos malunod sa Catanauan, Quezon

CATANAUAN, QUEZON – Trahedya ang sinapit ng isang 33-anyos na lalaki matapos itong anurin ng rumaragasang tubig-baha habang tumutulong sa mga estudyante na tumawid sa binabahang spillway sa Brgy. Doongan Ilaya, Catanauan, Quezon nitong Linggo ng gabi, Setyembre 14.

Ayon sa ulat ng Catanauan Police, dakong alas-6:00 ng gabi ay bumuhos ang malakas na ulan na nagdulot ng biglaang pagbaha sa spillway na dinaraanan ng mga estudyante pauwi. Sa kabila ng panganib, nagkusang tumulong ang biktima kasama ang kanyang bayaw upang maitawid ang mga kabataang stranded sa lugar.

Subalit habang tinutulungan ang mga estudyante, nawalan ng balanse ang biktima at tuluyang tinangay ng malakas na agos ng tubig. Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad at residente, ngunit natagpuan na lamang ang biktima makalipas ang ilang oras na wala nang buhay.

Lubos ang dalamhati ng mga residente sa pagkamatay ng lalaki na itinuturing nilang bayani, dahil isinakripisyo nito ang sariling kaligtasan para sa kapakanan ng mga estudyante.

Nagpaalala naman ang mga lokal na opisyal sa mga residente na magdoble-ingat at iwasang tumawid sa mga binabahang lugar upang maiwasan ang ganitong insidente. (Larawan: QPPO)