Curlee Discaya, Henry Alcantara makukulong sa senado
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-18 13:04:34
MANILA — Ipinag-utos ni Senador Raffy Tulfo na ikulong sa kustodiya ng Senado sina Curlee Discaya at Henry Alcantara matapos silang maugnay sa mga “ghost projects” at sa umano’y pagpuslit ng mga luxury car na hindi nagbayad ng tamang buwis sa Bureau of Customs (BOC).
Sa pagdinig ng Senado, mariing kinuwestiyon ni Tulfo ang paliwanag ni Discaya kaugnay ng mga mamahaling sasakyan. Ayon sa senador, “These are very expensive cars. We’re talking about millions and millions of pesos. Impossible na hindi mo tatanungin kung nagbayad ng tax sa Bureau of Customs.”
Lumabas sa dokumento ng BOC na ilang sasakyan, kabilang ang isang Rolls Royce, ay walang rekord ng pagbabayad ng duties at taxes. Depensa naman ni Discaya, binili umano nila ang mga ito mula sa lokal na dealer at inutang pa gamit ang post-dated checks.
Aniya, “Wala po kaming ideya kung paano nag-import. Basta binigyan nila kami ng dokumento at sila rin ang nagparehistro sa LTO.”
Hindi rin nakumbinsi si Tulfo sa depensa. “So meron kang hawak-hawak na dokumento galing sa Bureau of Customs na nagbayad ng buwis para sa Rolls Royce? Rolls Royce na lang. May tama ka na naman,” dagdag ng senador.
Bukod sa usapin ng mga sasakyan, lumutang din sa pagdinig ang mga ulat na sangkot si Discaya at Alcantara sa mga proyektong hindi natapos at sa umano’y maling pagtrato sa mga manggagawa.
Dahil dito, iginiit ni Tulfo: “Given that Mr. Discaya has been cited in contempt and Mr. Alcantara, I move that they be detained and handed over to the custody of the Senate Sgt. At Arms.”
Sa huli, inaprubahan ang kanyang mosyon na sila ay dalhin sa kustodiya ng Senate Sergeant-at-Arms habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.