Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mina Jose ng WJ Construction, umamin na bumisita sa opisina ni Sen. Tulfo para sa veranda repair

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-18 13:04:19 Mina Jose ng WJ Construction, umamin na bumisita sa opisina ni Sen. Tulfo para sa veranda repair

Setyembre 18, 2025 – Kinumpirma ni Mina Elamparo-Jose ng WJ Construction na siya ang babaeng nakuhanan sa CCTV na pumasok sa Senado noong Agosto 19, 2025.


Ayon kay Jose, pumunta siya upang magsagawa ng ocular inspection sa opisina ni Sen. Erwin Tulfo para sa problemang idinulog ng staff nito hinggil sa veranda ng senador. “Meron pong naging problema ‘yung terrace ni Sir Erwin. Binabaha po siya kapag umuulan. Kaya ako po ang ni-refer na contractor ng staff niya,” paliwanag ni Jose.


Nauna nang isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee chair Panfilo “Ping” Lacson na nakuhanan ng CCTV ang isang babaeng tinukoy bilang “Mina,” na kalaunan ay natukoy na si Jose. Ang naturang video umano ay sumusuporta sa pahayag ng engineer na si Brice Hernandez na nag-uugnay sa ilang senador sa kontrobersyal na multibillion-peso flood control scandal.


Nilinaw naman ni Sen. Tulfo na walang kinalaman ang kanyang opisina sa anumang transaksiyon ni Jose. Aniya, nakipagkita muna si Jose kay Beng Ramos, isang staff ng Senado, bago siya dinala sa kanyang opisina.


“Parang nagamit po ‘yung opisina ko para dumaan po siya sa Blue Ribbon Oversight Office Management (BROOM) kung ano man ‘yung kanyang business doon… Have you told us na meron kang sabit sa mga project sa Bulacan, we wouldn’t have let you step in the Senate,” pahayag ni Tulfo.


Dagdag pa ni Tulfo, matapos mabanggit ang pangalan ni Jose sa testimonya ni Engr. Hernandez, agad na ipinakansela ng kanyang opisina ang lahat ng kontrata sa WJ Construction.


Patuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control scandal na sinasabing kinasasangkutan ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno.

Lawaran mula sa Senate