Diskurso PH
Translate the website into your language:

Chavit: ‘Hindi magiging presidente si BBM kung hindi dahil sa akin’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-19 15:37:10 Chavit: ‘Hindi magiging presidente si BBM kung hindi dahil sa akin’

SETYEMBRE 19, 2025 — Sa isang matapang na pahayag sa Club Filipino ngayong araw, tuluyan nang isinara ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ang pinto ng suporta para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng umano’y paglimot ng administrasyon sa mga tumulong sa kampanya noong 2022.

“Hindi siya magiging presidente kung hindi dahil sa akin,” giit ni Singson sa harap ng media. 

Ayon kay Singson, araw-araw siyang kasama ni Marcos sa kampanya, ngunit matapos ang halalan ay tila hindi na siya kilala ng Pangulo. Sinubukan umano ni Singson na makipag-appointment sa pamamagitan ng mga sekretarya ng Pangulo, ngunit hindi siya nakatanggap ng tugon. 

Bagamat hindi niya ito tinuturing na tampo, inamin niyang mahirap nang makipag-ugnayan sa Pangulo sa kasalukuyan.

Dagdag pa niya, hindi siya humingi ng mataas na posisyon sa gobyerno, ngunit umaasa siyang mabibigyan man lang ng direktoral na puwesto. Subalit, kalaunan ay sinabihan daw siyang wala nang bakanteng puwesto. 

Isinalaysay din ni Singson ang insidente sa unang biyahe ni Marcos sa Japan kung saan hindi man lang siya binanggit sa mga pasasalamat ng Pangulo. 

“His son, Congressman Sandro, even told him, ‘Dad, Manong Chavit is here.’ But he ignored me,” aniya. 

(Sinabi pa ng anak niyang si Congressman Sandro, ‘Dad, Manong Chavit is here..’ Pero hindi niya ako pinansin.)

Sa huli, hinikayat ni Singson ang mga kabataan: “Wag na kayong pumasok hanggat di nagre-resign ang mga corrupt!”

Aniya, ang panawagang ito ay para sa kinabukasan ng mga kabataan at hindi para pansariling kapakanan.

(Larawan: Luis Chavit Singson | Facebook)