Luneta, EDSA puno ng nagngangalit na taumbayan sa protesta vs ‘ghost flood projects’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-21 10:39:13
SETYEMBRE 21, 2025 — Nag-uumapaw na ang mga tao sa Luneta Park at EDSA People Power Monument nitong Linggo, Setyembre 21, habang sabay na isinagawa ang dalawang malalaking kilos-protesta laban sa umano’y bilyong pisong korapsyon sa mga proyektong pang-kontrol sa baha.
Sa Luneta, dagsa ang mga mamamayan mula iba’t ibang sektor para sa “Baha sa Luneta: Aksyon Laban sa Korapsyon.” Maagang nagtipon ang mga grupong Gabriela, Health Alliance for Democracy, Karapatan, at mga madre mula sa Dominican Sisters of St. Catherine de Siena. Bitbit nila ang mga plakard, watawat ng Pilipinas, at mga panawagan para sa hustisya.
Isinara ang mga kalsada sa paligid ng Rizal Park gaya ng Padre Burgos at Finance Road. Nagsimula ang programa sa pag-awit ng Lupang Hinirang sa ilalim ng tirik na araw.
Sa EDSA naman, puno na ang paligid ng People Power Monument at bahagi ng White Plains Avenue para sa “Trillion Peso March.” Ayon sa tagapagsalita ng protesta na si Kiko Aquino Dee, tinatayang nasa 30,000 katao ang dumalo.
“This is not a partisan rally. We’re not calling for anyone’s ouster. We just want accountability,” aniya.
(Hindi ito rally ng kahit anong partido. Hindi kami nananawagan ng pagbibitiw ng sinuman. Gusto lang namin ng pananagutan.)
Nagpakalat ang Philippine National Police ng mahigit 50,000 pulis sa buong bansa, kabilang ang 9,000 sa Metro Manila, upang tiyaking mapayapa ang mga pagtitipon. Nasa full alert ang NCRPO mula pa Sabado.
Nag-ugat ang protesta sa mga ulat ng “ghost projects” sa flood control program ng gobyerno, kung saan ilang proyekto ay walang aktwal na konstruksyon ngunit may pondong nailabas. Lumala ang galit ng publiko matapos kumalat sa social media ang marangyang pamumuhay ng ilang kontratista at opisyal ng gobyerno.
Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa mga iregularidad, habang nagsimula na rin ang hiwalay na pagsisiyasat ng Senado at Kamara.
Sa kabila ng dami ng dumalo, nanatiling mapayapa ang mga pagtitipon, na layong ipanawagan ang katotohanan at panagutin ang mga nasa likod ng umano’y katiwalian.
(Larawan: YouTube / Claire Santiago - Diskurso)
