17 arestado matapos tangkang sunugin ang Malacañang compound
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-22 09:32:03
MANILA — Mariing kinondena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga marahas na kilos-protesta sa Ayala Bridge at Mendiola noong Setyembre 21, kung saan ilang demonstrador ang umano’y nagtangkang sunugin ang Malacañang compound gamit ang Molotov bombs at sinunog na container van.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), 17 katao ang inaresto matapos ang kaguluhan sa Mendiola, kabilang ang ilang menor de edad. “May mga pagsabog dito mula po ito sa mga inihagis nila na parang Molotov,” pahayag ni Police Maj. Hazel Asilo ng NCRPO. Dagdag pa niya, inaalam pa kung anong grupo ang nasa likod ng insidente.
Isang video mula sa lugar ang nagpapakita ng mga maskaradong rallyista na nagsusunog ng gulong ng trak at naghahagis ng bato sa mga pulis sa Ayala Bridge. Nagkaroon ng tensyon nang tangkaing lusubin ng mga demonstrador ang police barricade patungong Malacañang. “Firefighters and police personnel responded immediately, and the situation is now contained,” ayon sa pahayag ng PNP.
Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na dapat panagutin ang mga nagpasimuno ng kaguluhan. “We respect the public’s right to peaceful assembly, but we strongly appeal to everyone to remain calm and refrain from violence. Such actions endanger lives and undermine the message of those who wish to protest peacefully,” aniya.
Nagpahayag din ang DILG ng babala sa mga grupong gumagamit ng protesta upang maghasik ng kaguluhan. Ayon sa ahensya, ang pagsusunog ng mga sasakyan at pagtatangkang sunugin ang Malacañang ay hindi bahagi ng mapayapang pagpoprotesta, kundi isang krimen na may kaukulang parusa.
Sa kabila ng insidente, nananatiling naka-full alert ang PNP at Presidential Security Command upang tiyakin ang seguridad sa paligid ng Malacañang. Patuloy ang imbestigasyon sa mga naaresto upang matukoy ang kanilang motibo at koneksyon sa mga grupong posibleng nagsusulong ng destabilisasyon.
Ang insidente ay naganap kasabay ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa na tumutuligsa sa umano’y katiwalian sa pamahalaan. Bagama’t karamihan sa mga rally ay nanatiling mapayapa, ang kaguluhan sa Mendiola ay nagsilbing paalala sa kahalagahan ng disiplina at pananagutan sa mga pampublikong pagtitipon.