Anonymous PH, tinitingnang utak sa ‘Black Mask March’ sa Maynila
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-22 16:42:25
SETYEMBRE 22, 2025 — Itinuturo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang grupong Anonymous PH bilang nasa likod ng tinaguriang “Black Mask March” na naganap sa Maynila nitong Linggo, kung saan ilang indibidwal na nakasuot ng itim na damit at maskara ang nagpasimula ng kaguluhan.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, batay sa nakalap na ulat mula sa intelligence unit ng ahensya, may koneksyon ang Anonymous PH sa mga nag-organisa ng protesta.
“Nakikipag-ugnayan po ako doon sa mga tao sa Anonymous PH. Hindi pa po sila nagdi-disavow kung sila nga o hindi sila iyong gumawa nito pero may mga persons of interest na po tayo na minamatyagan,” ani Aguda.
Naging sentro ng tensyon ang Ayala Bridge at Mendiola matapos magpakita ang mga miyembro ng tinaguriang “Team Itim” na umano’y bahagi ng protesta. Sinabi ni Aguda na ang kilos-protesta ay bahagi ng mas malawak na pagkilos na naganap sa weekend.
“Una sa lahat, malinaw ang direktiba ng Pangulo – igalang at protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy pa rin ang imbestigasyon kung maituturing bang terorismo ang nangyari.
“It will be the result of the continuing investigation as iyong ebidensiya po ay tinitingnan natin. So, that’s why maybe it can lead to terrorism or violation of the Anti-Terrorism Act,” pahayag niya.
Kinumpirma rin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may natanggap silang ulat ukol sa banta ng lokal na teroristang grupo.
“The threat of the terrorist was more of a bomb that would go off in Luneta or in the People Power Monument,” aniya.
(Ang banta ng terorismo ay ang posibleng pagsabog sa Luneta o sa People Power Monument.)
(Larawan: Philippine News Agency | Facebook)