Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagyong Nando ( Ragasa ) inaasahang tatawid ng Hong Kong pagsapit ng alas dyes.

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-22 20:06:42 Bagyong Nando ( Ragasa ) inaasahang  tatawid  ng Hong Kong pagsapit ng alas dyes.

Maynila — Nasa loob pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Nando (international na pangalan Ragasa ) ngunit tinutumbok na ang direksiyong pa-Hong Kong at inaasahang tatawid doon dakong alas-10 ng gabi ngayong araw, ayon sa ulat ng state weather bureau.

Ayon sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).papalayo na ang Super Typhoon na “Nando” mula sa Babuyan Islands matapos itong mag-landfall at hagupitin ang Panuitan Island sa Calayan, Cagayan.

Napanatili ni Nando ang lakas nito na may pinakamalakas na hangin na umaabot sa 215 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugso ng hangin na hanggang 295 kilometro bawat oras.

Dakong alas-10 ng gabi ngayong araw inaasahang tuluyang lalabas ng PAR ang naturang bagyo matapos ang ilang araw na pananalasa sa ilang bahagi ng bansa. Sa kabila ng paglisan nito, nagbabala pa rin ang weather bureau na maaari pa ring maranasan ang maalon na karagatan at pag-ulan sa hilagang bahagi ng Luzon dulot ng habagat na hinatak ng bagyo.

Naitala ang Nando ( Ragasa) bilang isa sa pinakamalakas na bagyo ngayong taon, na nagdulot ng pagbaha at landslide sa ilang probinsya. Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang pinsalang iniwan nito, habang nakahanda naman ang relief operations para sa mga apektadong residente.

Samantala, nakaalerto rin ang mga kalapit-bansa lalo na ang Hong Kong, kung saan direktang tatama ang Ragasa ngayong gabi. Naghahanda na ang pamahalaan doon para sa posibleng epekto ng malakas na ulan at hangin.

Hinihikayat ng PAGASA ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na abiso at iwasan muna ang paglalayag sa mga karagatang apektado ng sama ng panahon.

larawan /PAGASApage