Bayan, kinondena ang pagtugon ng pulisya sa mga kabataang rallyista sa Mendiola
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-22 16:12:25
SETYEMBRE 22, 2025 — Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa naging tugon ng mga pulis sa isinagawang kilos-protesta ng kabataan sa Mendiola nitong Linggo.
Ayon sa Bayan, hindi katanggap-tanggap ang agresibong pag-aresto at dispersal ng mga kabataang lumahok sa protesta.
“Bayan deplores the violent response of the police in handling the young protesters in Mendiola. In some videos circulating on social media, the police were aggressively arresting and dispersing young protesters,” pahayag ng grupo.
(Mariing kinokondena ng Bayan ang marahas na tugon ng pulisya sa mga kabataang nagprotesta sa Mendiola. Sa ilang bidyong kumakalat sa social media, makikitang agresibo ang pag-aresto at pagpapalayas ng pulis sa mga kabataan.)
Dagdag pa ng grupo, hindi makatarungan ang paggamit ng pondo ng bayan sa seguridad kung hindi naman kayang magpakita ng mahinahong pagresolba sa tensyon.
“So much public resources are spent on security yet the police could not respond to the situation in a restrained and organized fashion,” giit nila.
(Napakaraming pondo ng bayan ang ginugugol sa seguridad pero hindi magawang mahinahon at organisado ang tugon ng pulisya.)
Nag-ugat ang kaguluhan sa isinagawang programa ng Bayan malapit sa Malacañang na tumutuligsa sa katiwalian. Sa Mendiola at Ayala Bridge, nagkaroon ng girian, kabilang ang paghagis ng mga bato at pagsunog ng ilang bagay sa paligid.
Kinumpirma ng Bayan na 12 miyembro nila ang inaresto. Hiniling ng grupo na mabigyan ng legal na kinatawan at agarang medikal na atensyon ang mga nadakip.
Samantala, ayon sa tagapagsalita ng Manila Police District, posibleng kasuhan ang mga sangkot sa gulo ng assault, property damage, at resisting authorities.
Sa kabila ng insidente, pinasalamatan ng Bayan ang mga lumahok sa protesta.
“We thank all those who volunteered and showed solidarity which made the protest a huge success,” pahayag nila.
(Pinasasalamatan namin ang lahat ng nagboluntaryo at nagpakita ng pagkakaisa na naging susi sa tagumpay ng protesta.)
Tinatayang nasa 100,000 katao ang dumalo sa Luneta, ayon sa Bayan, bilang bahagi ng sabayang pagkilos sa buong bansa laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.
(Larawan: BAYAN - Bagong Alyansang Makabayan | Facebook)