Beep Card discount, pinilahan nang halos maghapon ng mga estudyante, PWDs
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-22 09:38:51
SETYEMBRE 22, 2025 — Libu-libong estudyante at Persons with Disabilities (PWDs) ang nagtiis ng matinding pila sa mga istasyon ng LRT at MRT nitong weekend para makakuha ng Beep Card na may 50% diskwento. Dahil sa libreng proseso at malaking tipid sa pamasahe, umabot ng higit 10 oras ang paghihintay ng ilan bago makuha ang card.
Isang estudyante mula Quezon City ang nagsabing alas-6 pa lang ng umaga ay pumila na siya sa Masinag Station ng LRT-2, pero lagpas 5 p.m. na ay wala pa rin daw siyang card.
Sa MIA Road Station ng LRT-1, isang estudyante ang nanawagan ng dagdag na tauhan sa mga booth.
“Sana po magdagdag sila ng staff para mapabilis,” aniya.
Isang namang estudyante ang nagkuwento na pinayagan silang umalis pansamantala sa pila para bumili ng pagkain.
“Buti na lang po pinayagan kaming makabili ng pagkain habang naghihintay,” kwento niya.
Ang rollout ng white Beep Card para sa mga estudyante, senior citizens, at PWDs ay sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) noong Setyembre 20. Ngunit sa karamihan ng istasyon, iisa lang ang booth na nagpoproseso ng aplikasyon, kaya’t mabagal ang sistema.
May mga reklamo rin sa social media na limitado lang ang bilang ng card sa bawat istasyon — karaniwang 50 hanggang 100 piraso lang kada araw. Dahil dito, marami ang napilitang bumalik kinabukasan.
Bagama’t malaking tulong ang diskwento sa pamasahe, nananawagan ang mga commuter ng mas maayos na sistema sa pamamahagi.
“Hindi biro ang maghintay ng ganito katagal,” ayon sa isang PWD.
(Larawan: TomasinoWeb)