DOTr maglulunsad ng inter-agency operation sa Commonwealth Avenue para tugunan ang problema ng commuters
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-22 20:49:08
Quezon City - Maglulunsad ang Department of Transportation (DOTr) ng isang inter-agency operation upang mag-deploy ng mga tauhan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City simula Miyerkules, Setyembre 24.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, layon ng operasyon na tugunan ang mga matagal nang reklamo ng mga pasahero, kabilang ang mahabang pila sa terminal, hindi regular na biyahe ng mga pampasaherong sasakyan (PUV), siksikan sa mga bus at jeep, at ang delikadong paraan ng pagsakay ng mga commuters lalo na sa rush hour.
Batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kulang ang aktwal na bumabiyaheng PUV kumpara sa nakatalagang bilang. Malinaw ito tuwing umaga at gabi kung kailan pinakamataas ang pangangailangan ng mga pasahero.
Nilinaw ni Lopez na pilot run pa lamang ang operasyon upang masuri kung epektibo ang deployment ng mga tauhan at matukoy ang mga lugar na nangangailangan pa ng dagdag na atensyon. Kasama rin dito ang pagtukoy kung ilang pampublikong sasakyan ang dapat idagdag upang hindi na araw-araw magsapalaran ang mga commuters sa kalsada.
“Hindi dapat araw-araw na kalbaryo ang pagsakay ng mga pasahero. Sisikapin naming maibsan ang kanilang dinaranas at matiyak ang mas maayos at ligtas na biyahe,” ani Lopez.
Kasama sa operasyon ang pakikipagtulungan ng DOTr sa LTFRB, MMDA, at iba pang ahensya upang tiyakin ang mas mabilis na aksyon at pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang para sa kapakanan ng mga commuters.