Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kilos-protesta, sinamantala ng hackers; 19 gov’t sites, binulabog ng 1.4M cyberattacks

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-23 08:43:16 Kilos-protesta, sinamantala ng hackers; 19 gov’t sites, binulabog ng 1.4M cyberattacks

SETYEMBRE 22, 2025 — Sa gitna ng mga kilos-protesta noong Setyembre 21, tinangkang pasukin ang mga sistema ng pamahalaan sa pamamagitan ng mahigit 1.4 milyong cyberattack. Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), apat lang ang nakalusot at pansamantalang naapektuhan ang 19 na website ng gobyerno.

Kinumpirma ni DICT Secretary Henry Aguda na mabilis na naresolba ang mga insidente at walang malawakang pinsala sa digital infrastructure ng bansa. 

“May mga attempts to breach. 1.4 million iyong nakita namin na attempts. Ang dami niyan,” aniya.

Ang mga pag-atake ay kasabay ng “Black Mask March” at iba pang rally sa bansa. Sinabi ni Aguda na ang mga panawagan sa social media ay nagmula sa grupong Anonymous PH, isang kilalang hacktivist collective. Nakikipag-ugnayan na umano ang DICT sa grupo at binabantayan ang ilang persons of interest.

Upang harapin ang banta, ipinatupad ng ahensya ang “Oplan Cyberdome,” isang malawakang estratehiya sa cybersecurity na kinabibilangan ng pakikipagtulungan sa mga law enforcement agency, telcos, social media platforms, pribadong sektor, at cyber experts.

Sa 19 na website na nadungisan, kabilang ang Bureau of Customs (BOC), DICT, DEPDev, at educational platform ng ARTA para sa libreng SIM registration. Nilinaw ni Aguda na pansamantala lang ang epekto at agad na naibalik sa normal ang mga site. 

“I think one of them is BOC pero sandali lang iyon eh, hindi ninyo halos naramdaman eh,” dagdag niya. 

Walang naitalang matagumpay na pag-atake mula sa mga banyagang grupo o tinatawag na “nation state actors,” ayon sa DICT. Patuloy ang pagbabantay ng ahensya sa mga posibleng banta habang mas pinapalakas pa ang proteksyon ng digital assets ng gobyerno.

(Larawan: Pexels)