Mayor Isko: Dating pulitiko, abugado pinaniniwalaang nagpondo sa Mendiola riot
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-22 13:28:25
MANILA — Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na nakatanggap siya ng mga paunang ulat na isang dating pulitiko at isang abugado umano ang nagpondo sa mga kabataang sangkot sa kaguluhan sa Mendiola noong Setyembre 21, kasabay ng mga protesta laban sa katiwalian.
“Merong mga initial report, sketchy pa, may dating pulitiko, Filipino-Chinese ang funder, tapos may isang abugado, funder din, nung mga bata na iyon kagabi,” pahayag ni Moreno sa isang ambush interview.
Ayon sa alkalde, ang mga kabataang sangkot ay nagmula sa Taguig, Pasay, Parañaque, Caloocan, at Quezon City. Sa ulat ng Manila Police District (MPD), 113 katao ang inaresto dahil sa pambabato, pagsira ng ari-arian, at pagsusunog ng mga gulong sa Recto Avenue at Ayala Bridge.
Tinukoy ni Moreno na mahigit 100 pulis ang nasugatan, kabilang ang isa na nasa kritikal na kondisyon ngunit ligtas na ngayon. Tinatayang aabot sa milyong piso ang pinsala sa mga pampublikong pasilidad at ari-arian.
Samantala, pinabulaanan ni Moreno ang mga ulat ng pagkamatay sa insidente. “’Wag po kayo magpapaniwala. Kung maraming namatay eh di sana nakita na ng media,” aniya. Dagdag pa niya, “Ako feeling ko kasi yung mga nagpo-post na sinusugod sila ng pulis, may namatay, ito ‘yung mga nanggulo eh. Natatakot ngayon”.
Patuloy ang imbestigasyon ng MPD at DILG upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga financier at kung may mas malalim pang koneksyon sa mga grupong nagsusulong ng destabilisasyon. Sa kabila ng tensyon, nanawagan si Moreno ng kalma at disiplina sa mga mamamayan: “Ang karapatang magpahayag ay hindi dapat gamitin para sa karahasan.”