Signal No. 5 sa Babuyan: Super Typhoon Nando nagbabanta ng matinding pinsala
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-22 09:31:56
MANILA — Suspendido ang mga klase at trabaho sa gobyerno sa maraming bahagi ng Luzon ngayong Lunes, Setyembre 22, dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Nando (international name: Ragasa), na nagdulot ng matinding ulan, mapaminsalang hangin, at storm surge sa hilagang bahagi ng bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Nando ay nasa layong 245 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan bandang alas-4 ng umaga, taglay ang lakas ng hangin na 205 km/h at bugso na umaabot sa 250 km/h. Inaasahang magla-landfall ito sa Babuyan Islands sa pagitan ng tanghali at hapon ngayong araw.
Itinaas ang Signal No. 5 sa mga isla ng Babuyan, Didicas, Panuitan, at Calayan, habang Signal No. 4 naman ang nakataas sa southeastern Batanes at northeastern mainland Cagayan. Signal No. 3 ay nakataas sa natitirang bahagi ng Batanes, Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte.
Bilang tugon, ipinalabas ng Malacañang ang Memorandum Circular No. 97 na nagsususpinde ng trabaho sa gobyerno at klase sa mga sumusunod na lugar: Metro Manila, Abra, Antique, Apayao, Bataan, Batanes, Batangas, Benguet, Bulacan, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Laguna, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Pampanga, Pangasinan, Palawan, Romblon, Rizal, Tarlac, at Zambales.
Gayunpaman, ang mga ahensyang may tungkulin sa kalusugan, seguridad, at disaster response ay inatasang manatiling operational upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa gitna ng kalamidad.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng storm surge na higit sa 3 metro sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, at Ilocos Sur. Dagdag pa rito, ang mga baybaying dagat sa Northern Luzon ay nakararanas ng very rough to high seas, kaya’t mariing pinayuhan ang mga mangingisda at mariners na huwag munang pumalaot.
Sa Kamara, kinansela rin ang mga sesyon at deliberasyon ngayong araw. “All essential personnel are expected to report for duty to ensure that critical operations within the House of Representatives remain uninterrupted,” ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ni Nando, na inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes ng umaga, Setyembre 23.