Sinira ang ebidensya? Flood control records, tinatangkang burahin? – ICI
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-22 21:08:40
Setyemvre 22, 2025 - Kinondena ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga ulat hinggil sa malawakang pagsira ng mga dokumento ng ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga umano’y anomalya sa mga flood control projects ng gobyerno.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng komisyon na ang lahat ng dokumento at rekord na hawak ng DPWH ay pag-aari ng publiko at hindi maaaring itago o sirain. Ayon sa ICI, anumang hakbang para alisin o burahin ang mga mahahalagang papeles ay malinaw na paglabag sa batas na may kaakibat na pananagutang administratibo at kriminal.
“Ang pagtatangkang burahin ang mga ebidensya ay hindi lamang paglapastangan sa batas kundi insulto rin sa taumbayan na may karapatang malaman ang buong katotohanan,” ani ng ICI.
Batay sa mga naunang ulat, kabilang sa mga nawawala o sinisira umanong dokumento ang mga kontrata, disbursement vouchers, at project inspection reports na may kaugnayan sa multi-bilyong pisong flood control projects sa Metro Manila at iba pang rehiyon. Ang mga proyektong ito ay matagal nang isinasangkot sa umano’y overpricing, ghost projects, at iregular na bidding.
Dagdag pa ng ICI, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga ahensya gaya ng Commission on Audit (COA) at Department of Justice (DOJ) upang masiguro na mapapanagot ang sinumang sangkot sa pagtatago o pagsira ng ebidensya.
Nananawagan din ang komisyon sa mga whistleblower at mga empleyado ng DPWH na maglabas ng kopya o impormasyon hinggil sa mga dokumentong sinisira upang masiguro na hindi tuluyang mawawala ang mahahalagang detalye para sa imbestigasyon.
Matatandaang ilang linggo na ring binabatikos ang DPWH matapos ilantad ng mga senador at civil society groups ang umano’y malawakang anomalya sa flood control projects na pinondohan ng bilyon-bilyong piso. Isa sa mga iniimbestigahan ay ang pagkakapare-pareho ng mga kontrata at pagkakatalaga ng iisang contractor sa magkakaibang proyekto, bagay na nagpapalakas ng hinalang may sindikatong nagpapatakbo sa loob ng ahensya.
Sa kabila nito, tumanggi pa ring magbigay ng pahayag ang DPWH hinggil sa isyu ng pagsira ng mga dokumento, ngunit una nang iginiit ng pamunuan na handa silang makipagtulungan sa mga imbestigasyon.