Tinaguriang 'Fishball Warrior' isa pa lang PWD; hindi pa din nakakalaya ayon sa ina
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-22 13:47:03
MANILA — Emosyonal na nanawagan si Meanne Karingal, ina ng nag-viral na raliyista na si Alvin Karingal, sa mga awtoridad na palayain ang kanyang anak matapos itong arestuhin sa gitna ng kilos-protesta sa Maynila noong Setyembre 21.
Si Alvin, kilala sa social media bilang “fishball warrior” dahil sa kanyang pagtitinda ng fishball habang aktibong nakikilahok sa mga pampulitikang diskurso online, ay kabilang sa mga dinampot ng pulisya sa Mendiola matapos ang tensyon sa pagitan ng mga demonstrador at mga alagad ng batas.
“Kagabi pa ako nagsabi sa kanila na may schizophrenia [at] PWD [si Alvin]. Ang sagot sa amin, kunin ang pangalan at ive-verify namin,” pahayag ni Meanne sa panayam ng News5. Dagdag pa niya, “Gusto kong kausapin ‘yung anak ko nang harap-harapan kasi PWD ‘yan. Sana makalaya siya. Sana tipong masubaybayan ko rin.”
Ayon sa ulat ng Manila Police District, kabilang si Alvin sa mahigit 100 kataong inaresto sa Mendiola at Ayala Bridge dahil sa umano’y pagsira ng ari-arian, pambabato, at pagsusunog ng gulong sa gitna ng protesta. Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang eksaktong dahilan ng pagkakaaresto ni Karingal, na ayon sa kanyang ina ay hindi dapat ituring na banta sa seguridad.
Si Alvin Karingal ay nakilala rin sa mga lokal na balita bilang isang independent candidate sa pagka-alkalde ng Maynila para sa 2025 elections. Kilala siya sa grassroots campaigning at sa kanyang adbokasiya para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).
Patuloy ang panawagan ng pamilya Karingal para sa agarang pagbusisi sa kaso ni Alvin, lalo na’t may kondisyon siyang schizophrenia at rehistradong PWD. Sa kabila ng tensyon sa lungsod, nananawagan ang mga tagasuporta ni Alvin ng mahinahong pagtrato at makataong proseso sa mga naaresto.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang MPD kung ire-release si Karingal o kung may isasampang kaso laban sa kanya. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente, habang nananatiling naka-custody ang ilang demonstrador.