Diskurso PH
Translate the website into your language:

Usec. Claire Castro pinabulaanan ang alegasyon no Chavit Singson na nagpondo si Liza Marcos ng bayarang raliyista

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-22 20:04:37 Usec. Claire Castro pinabulaanan ang alegasyon no Chavit Singson na nagpondo si Liza Marcos ng bayarang raliyista

Manila – Mariing itinanggi ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga paratang ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na umano’y sangkot si First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagpapalabas ng mga bayarang raliyista na nagsuot ng maskara at nanggulo sa mga protesta sa Maynila noong Linggo, Setyembre 21, 2025.


Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, walang katotohanan ang mga akusasyon at malinaw umanong bahagi ito ng paninira at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa Unang Ginang. “Malaking kasinungalingan! Huwag nilang ipahid ang mga gawain nilang kriminal kay First Lady Liza Marcos,” mariing pahayag ni Castro sa isang panayam nitong Lunes.


Binigyang-diin ng opisyal na walang kaugnayan si Marcos sa anumang kilos-protesta, lalo na sa mga insidente ng kaguluhan na naitala sa EDSA, Recto Avenue, at iba pang bahagi ng lungsod. Giit ng PCO, ang pag-uugnay sa Unang Ginang ay isang desperadong hakbang upang linlangin ang publiko at ilihis ang atensyon mula sa tunay na isyu ng katiwalian na ipinuprotesta ng taumbayan.


Matatandaang libu-libong katao ang lumahok sa mga kilos-protesta laban sa diumano’y malawakang korapsyon sa flood control projects at iba pang programa ng pamahalaan. Sa gitna ng protesta, ilang insidente ng karahasan ang naitala, kabilang ang pagsunog ng mga motorsiklo at sasakyan, pambabato sa mga pulis, at paggamit ng improvised explosive device na nagdulot ng pagkasugat ng ilang sibilyan.


Dahil dito, iginiit ni Singson na may mga indibidwal na umano’y binayaran upang maghasik ng gulo, at idinawit ang pangalan ng First Lady. Gayunman, ayon kay Castro, walang batayan ang mga pahayag ni Singson at malinaw umanong bahagi ito ng isang mas malaking disinformation campaign.


Dagdag pa ng PCO, patuloy nilang ipagtatanggol ang reputasyon ng First Lady laban sa mga walang basehang paratang. Tiniyak din ng ahensya na nakatuon si Marcos sa kanyang mga tungkulin bilang Unang Ginang, kabilang ang mga programang panlipunan na may kinalaman sa edukasyon at kababaihan, at hindi siya nakikialam sa mga gawaing labas sa kanyang mandato.


Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng mga insidente ng karahasan sa protesta. Nananawagan naman ang PCO sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga pahayag na walang sapat na ebidensya at sa halip ay hintayin ang resulta ng pormal na imbestigasyon.