1 nasawi, higit 159K apektado sa pananalasa ng Super Typhoon Nando at habagat
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-23 19:53:13
Setyembre 23, 2025 – Isang indibidwal ang nasawi habang mahigit 159,000 katao ang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Nando na nagpalakas pa sa southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes.
Kinilala ang nasawi bilang isang residente ng Benguet na nasawi sa pagguho ng lupa bunsod ng walang tigil na pag-ulan. Bukod dito, pito pang katao ang naiulat na nasugatan sa magkakahiwalay na insidente na may kaugnayan sa sama ng panahon.
Batay sa datos ng OCD, nasa 43,500 pamilya o katumbas ng higit 159,000 indibidwal ang direktang naapektuhan ng bagyo at habagat sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Sa kabuuan, halos 5,000 pamilya ang inilikas patungo sa evacuation centers upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Samantala, 38 lugar ang nakaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas, habang patuloy na inoobserbahan ng mga awtoridad ang lagay ng komunikasyon sa mga apektadong rehiyon. Bagama’t walang naitalang malawakang aberya sa linya ng komunikasyon, patuloy pa rin ang assessment sa mga lugar na hindi agad na maabot ng mga rescuers.
Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na relief goods at family food packs na naipreposition bago pa man tumama ang bagyo. Kasalukuyang ipinapamahagi ang mga ito sa mga apektadong pamilya katuwang ang lokal na pamahalaan.
Patuloy rin ang isinasagawang clearing operations sa mga kalsadang binaha at naapektuhan ng landslide, habang naka-alerto ang mga search and rescue teams para sa mga bayan at barangay na nananatiling isolated dahil sa pagbaha at gumuhong lupa.
Nagbabala ang OCD at mga lokal na disaster risk reduction offices laban sa posibleng karagdagang pagbaha at landslide, lalo na sa mga lugar na matindi pa rin ang pag-ulan dulot ng habagat na pinaiigting ng bagyo.