Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagong bagyo na ‘Opong’ papalapit sa Pilipinas; inaasahang lalakas sa Philippine Sea

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-23 17:21:43 Bagong bagyo na ‘Opong’ papalapit sa Pilipinas; inaasahang lalakas sa Philippine Sea

MANILA, Philippines — Binabantayan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagong tropical depression na papangalanang “Opong”, na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR ngayong hapon o gabi ng Setyembre 23, 2025).


Ayon sa ulat ng PAGASA, ang sentro ng bagyo ay nasa layong 1,075 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hangin na 55 km/h at pagbugso na umaabot sa 70 km/h. Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 35 km/h.


Inaasahang tatahakin ng bagyo ang direksyong west-northwest patungong Eastern Visayas at Southern Luzon sa Biyernes ng umaga, Setyembre 26. Habang nasa Philippine Sea, inaasahang lalakas pa ito at maaaring umabot sa kategoryang tropical storm pagsapit ng Setyembre 24.


Dahil dito, posibleng magtaas ang PAGASA ng Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Eastern Visayas, at maaaring umabot pa sa Signal No. 3 kung magpapatuloy ang paglakas ng bagyo.


Samantala, ang Super Typhoon Nando ay nakalabas na ng PAR at patuloy na humihina habang papalayo mula sa bansa.


Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga official advisories para sa kaligtasan. Para sa pinakabagong updates, bisitahin ang opisyal na website ng PAGASA o sundan ang kanilang social media accounts.

Larawan: PAGASA