DILG: mga menor de edad, binayaran ng P3k para mag-riot sa Mendiola
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-23 18:01:07
SETYEMBRE 23, 2025 — Lumalalim ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa kaguluhan sa Mendiola noong Setyembre 21, kung saan sinasabing may bayad ang ilang kabataang lumahok sa riot.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may mga batang edad 11 pataas na binigyan umano ng P3,000 kapalit ng pagsali sa gulo. Base sa mga nakalap na video, makikitang ipinagyayabang pa ng mga menor de edad ang perang natanggap sa social media.
Dagdag pa niya, may direktang utos sa mga kabataan na kung makakalapit sa Malacañang, ay dapat itong sunugin.
“Ang instruction, kung kaya niyo umabot ng palasyo, sunugin niyo. Ganoon lang,” pahayag ni Remulla.
Sa kasalukuyan, 217 katao ang iniimbestigahan, kabilang ang 95 menor de edad. Tinutukoy pa ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagpaplano at pagpopondo ng riot gamit ang mga testimonya, larawan, at video online.
Posibleng kaharapin ng mga sangkot ang mga kasong arson, inciting to sedition, sedition, at destruction of property.
Samantala, mariing itinanggi ng DILG na gumamit ng tear gas ang mga pulis. Sa halip, ang mga nagkagulong demonstrador umano ang unang umatake gamit ang tear gas, paputok, at tubig mula sa kanal.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, mahigit 100 pulis ang nasaktan sa insidente, at nasa 20 naman ang naospital.
(Larawan: Yahoo)