Kiko Barzaga naghain ng ethics complaint laban kay Deputy Speaker Puno
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-23 21:27:26
MANILA — Naghain ng pormal na reklamo sa House Committee on Ethics si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga laban kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno nitong Martes, Setyembre 23.
Sa inihaing reklamo, iginiit ni Barzaga na lumabag si Puno sa kanyang karapatang magpahayag ng saloobin na nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon. Ayon kay Barzaga, ginamit umano ni Puno ang isyu ng mental health upang siraan siya at ipakita na siya ay “hindi maayos ang pag-iisip,” bagay na aniya’y nakasisira sa kanyang reputasyon bilang mambabatas.
Dagdag pa niya, ginagamit umano ang mga pahayag ni Puno upang pigilan ang kanyang malayang pagbibigay ng puna at opinyon sa mga usaping pampubliko.
Matatandaang una nang nagbanta si Puno na maghahain din ng ethics complaint laban kay Barzaga dahil sa umano’y hindi angkop na asal nito. Kabilang sa mga paratang ni Puno ang umano’y pangangampanya ni Barzaga para sa posisyon ng Speaker, paghingi ng lagda mula sa mga kasamahan sa Kamara, at paggamit ng social media upang atakehin ang ilang opisyal at lider ng partido.
Mariing itinanggi ni Barzaga ang mga paratang at iginiit na walang basehan ang mga ito. Aniya, malinaw na ang paggamit ng isyu ng mental health laban sa kanya ay hindi lamang nakakasira ng dangal kundi lumalabag din sa kanyang karapatang konstitusyonal.
Nasa House Committee on Ethics na ang reklamo ni Barzaga na siyang magpapasya kung tatanggapin ito para sa pormal na pagdinig. Kung mapatunayang may basehan, maaaring humarap si Puno sa mga posibleng parusa gaya ng reprimand, censure, o iba pang hakbang na itinakda sa mga alituntunin ng Kamara.