Land Bank sa Bulacan, dawit sa paglalabas ng kahong-kahong milyones sa contractor
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-23 10:48:59
MANILA — Isang bagong yugto ng kontrobersya ang bumungad sa Senate Blue Ribbon Committee hearing kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects sa Bulacan, matapos isiwalat ni Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction Trading, na ang Land Bank Malolos branch sa Bulacan ay naglalabas umano ng milyones na pisong cash sa mga contractor—sa pamamagitan ng mga kahon.
Sa gitna ng pagdinig, tinanong si Santos kung bakit ang bayad para sa proyekto ay napupunta sa kanyang account, gayong si Brice Hernandez, dating DPWH engineer, ang aktwal na gumagawa ng proyekto. “Sabi po, tinatransfer po sa account ko yung pera na ‘yan, tapos dinide-deliver ko sa kanila,” paliwanag ni Santos. Dagdag pa niya, ang pera ay ibinibigay sa kanya ng bangko sa anyo ng mga kahon, na siya namang ipinapasa sa mga opisyal na sangkot sa proyekto.
Ang mga kahon ng pera ay pinaniniwalaang katulad ng mga nakuhanan sa litrato na ipinakita sa mga naunang pagdinig ng Senado at Kongreso, kung saan makikita si Hernandez na nakaupo sa lamesa habang hinahati-hati ang salapi para sa mga umano’y kickback recipients.
Nagpahayag ng pagkabahala sa laki ng halagang inilalabas ng bangko si Sen. Erwin Tulfo. “Common sense will tell you, mukhang may problema. Ganito po kalaki,” ani Tulfo sabay mungkahi na ipatawag ang branch manager ng Land Bank Malolos sa susunod na pagdinig upang magpaliwanag kung paano at bakit naibibigay ang ganitong halaga ng pera sa contractor.
Si Santos ay nasa ilalim na ng protective custody ng Senado, matapos niyang humiling ng proteksyon dahil sa takot sa kanyang kaligtasan. Sa kanyang testimonya, inamin niyang ipinahiram ang lisensya ng kanyang kumpanya sa ibang contractors, kabilang ang Wawao Builders, at itinuro sina Hernandez at Jaypee Mendoza bilang mga responsable sa paghawak ng pondo ng proyekto.
Ang Senate panel ay inaasahang maglalabas ng subpoena sa Land Bank upang alamin kung may pagkukulang sa internal controls ng bangko, at kung may pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng DPWH at contractors sa pagproseso ng mga bayad para sa mga “ghost” o substandard projects.
Patuloy ang paglalantad ng mga ebidensya sa Senado, kabilang ang mga dokumento at digital files mula kay Hernandez, na maaaring magpatunay sa lawak ng korapsyon sa flood control program. Sa gitna ng mga rebelasyon, nanawagan ang mga senador ng mas mahigpit na oversight sa mga ahensyang pinopondohan ng pambansang budget.