Diskurso PH
Translate the website into your language:

Male-maletang salaping aabot sa P1B, iniakyat sa penthouse ni Zaldy Co

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-23 17:28:34 Male-maletang salaping aabot sa P1B, iniakyat sa penthouse ni Zaldy Co

SETYEMBRE 23, 2025 — Isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsabing naghatid siya ng tinatayang ₱1 bilyong cash sa tauhan ni Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, gamit ang mahigit 20 maleta na isinakay sa anim hanggang pitong van.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, inilahad ni Brice Hernandez, dating assistant district engineer ng Bulacan, ang umano’y paghahatid ng pera sa isang lalaking nagngangalang “Paul,” na tauhan daw ni Co.

“Nag-deliver din po kami ng pera pero hindi po directly sa kanya … Hindi po namin directly nakita si Cong. Zaldy. Ang pinakausap po sa amin, ‘yung tao niya pong pangalan ay Paul,” ani Hernandez. 

Ayon pa kay Hernandez, bawat maleta ay may lamang humigit-kumulang ₱50 milyon. Ang mga ito ay dinala sa isang hotel sa Taguig, kung saan nakita raw niya si Co habang kausap ang dating district engineer na si Henry Alcantara.

Kinumpirma ni Jaypee Mendoza, dating construction division chief ng DPWH Bulacan, ang salaysay ni Hernandez. Aniya, ang pera ay iniakyat sa penthouse ni Co sa Shangri-La Hotel gamit ang elevator. Sa mga sumunod na taon, lumipat daw ang mga transaksyon sa bahay ng kongresista sa Valle Verde 6, Pasig.

“Just like what Boss Henry mentioned earlier — if I’m not mistaken — the first two years were at Shangri-La. In the following years, everything took place in Valle Verde 6,” sabi ni Mendoza. 

“Tulad ng sinabi ni Boss Henry kanina — kung tama ang alaala ko — unang dalawang taon sa Shangri-La. Sa mga sumunod na taon, sa Valle Verde 6 na lahat.)

Sa parehong pagdinig, inamin ni Alcantara na nakipag-ugnayan siya kay DPWH Undersecretary Roberto Bernardo para sa pamamahagi ng komisyon mula sa mga flood control project. 

Bukod kay Co, binanggit din ang pangalan nina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating Senador Bong Revilla Jr., at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon.

Bagamat kinatigan ni Hernandez ang pahayag ni Alcantara, tumanggi siyang magbanggit ng ibang pangalan. 

“Meron lang pong ilang ano pa, ilang tao na hindi niya nabanggit pero hindi ko po masabi ‘yun kasi baka kasuhan rin ako ng libel,” aniya. 

Mariing itinanggi ni Co ang mga paratang, kabilang ang umano’y ₱13 bilyong “insertions” sa 2025 national budget. Patuloy ang imbestigasyon ng Senado, Kamara, at Independent Commission for Infrastructure sa mga iregularidad sa flood control projects.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)