Nagkainitan sa Senado: Estrada napikon kay Pangilinan matapos ungkatin ang Napoles case
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-23 20:52:56
MANILA — Umigting ang tensyon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, matapos mapikon si Senador Jinggoy Estrada sa pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na tumukoy sa kontrobersyal na kaso ni Janet Napoles.
Habang tinatalakay ng komite ang mga alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng pondo ng pamahalaan, ginamit ni Pangilinan ang Napoles pork barrel scam bilang halimbawa ng sistematikong katiwalian na dapat matigil. Ani Pangilinan, mahalagang balikan ang malalaking eskandalo ng nakaraan upang magsilbing aral sa kasalukuyang mga imbestigasyon.
Agad namang nagtanong si Estrada kung sino ang tinutukoy ng pahayag ng kanyang kapwa senador. “Sino bang pinatatamaan mo?” diretsahang tanong ni Estrada, na halatang ikinapikon ang pagkakadawit muli ng kanyang pangalan sa naturang usapin.
Bagama’t hindi diretsong pinangalanan ni Pangilinan ang sinuman, nanindigan itong bahagi ng kanyang tungkulin bilang mambabatas na ipaalala sa publiko ang mga malalaking kaso ng korapsyon gaya ng Napoles scandal. Giit niya, ang pagbabalik-tanaw sa mga nakalipas na anomalya ay hindi pag-atake sa personalidad kundi paalala kung gaano kalaki ang pinsalang idinulot ng maling paggamit ng pondo ng bayan.
Matatandaang si Napoles ang itinuturing na utak ng pork barrel scam na sumiklab noong 2013, kung saan bilyon-bilyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas ang diumano’y nawaldas sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organizations (NGOs). Isa si Estrada sa mga senador na kinasuhan noon ng plunder kaugnay ng iskandalo, bagama’t pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa.
Para kay Estrada, ang muling pagbabanggit sa Napoles case ay tila muling pagbuhay ng mga alegasyon laban sa kanya, bagay na ikinainit ng kanyang damdamin. Sa kabila nito, nanindigan si Pangilinan na ang kanyang intensyon ay ipakita ang kahalagahan ng transparency at accountability sa lahat ng antas ng pamahalaan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga bagong alegasyon ng katiwalian, at inaasahang magiging mas mainit pa ang mga susunod na pagdinig sa gitna ng palitan ng matitinding pahayag ng mga senador.