NBI inirekomenda ang kasong kriminal laban kina Villanueva, Estrada at iba pa kaugnay ng flood control scam
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-23 16:58:52
MANILA — Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang paghahain ng mga kasong kriminal laban sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng pamahalaan kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects.
Kabilang sa mga pinangalanan sa rekomendasyon ng NBI sina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo, dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy, at dating Bulacan DPWH district engineer Henry Alcantara.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, inirerekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaso ng indirect bribery, malversation of public funds, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga nabanggit.
Batay sa affidavit ni Alcantara, idinetalye nito ang umano’y “budget insertions” at kickbacks na sangkot ang ilang opisyal. Sinuri ng Department of Justice (DOJ), NBI at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang nasabing testimonya, at inaasahang may inilabas nang freeze order ang AMLC sa mga ari-arian at bank accounts ng mga pinangalanang indibidwal.
Nilinaw ni Remulla na patuloy ang imbestigasyon, kabilang ang posibilidad na mailagay si Alcantara sa Witness Protection Program. Bukod sa mga mambabatas, tinitingnan din ang posibleng pananagutan ni Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at ng kanyang asawa, na kinilalang kontratista sa mga proyekto.
Mariing itinanggi ni Villanueva ang pagkakasangkot at iginiit na wala siyang direktang koneksyon sa flood control projects. Sinabi rin ni Estrada na dati nang naresolba ng korte ang mga kasong kahalintulad laban sa kanya at iginiit na hindi siya dapat muling idinadawit.
Nananatiling nakabinbin sa DOJ ang pormal na pagsasampa ng mga kaso habang patuloy na binubusisi ang mga ebidensyang isinumite ng NBI at AMLC.