Obando church ibabalik ang ‘car donation’ mula sa sinibak na DPWH engineer Henry Alcantara
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-23 14:10:59
OBANDO, BULACAN — Ibinabawi ng San Pascual Baylon Parish Church ang pagtanggap sa isang pick-up truck na idinonate ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer na si Henry Alcantara, na ngayon ay nahaharap sa mga alegasyon ng korapsyon sa flood control projects sa Bulacan.
Sa isang pahayag na inilabas sa Facebook page ng parokya, sinabi ng simbahan na ang sasakyan—isang Nissan Navarra—ay tinanggap nila noong Hunyo 1, 2024 “in good faith” at nagamit sa mga pilgrimages gaya ng pagdadala ng imahe ng Our Lady of Salambao sa iba’t ibang parokya.
“Ito po ay ipinagkaloob ng bukal sa puso at aming tinanggap nang walang paghusga sa kalooban ng nagbigay,” ayon sa parokya.
Gayunman, kasunod ng mga imbestigasyon laban kay Alcantara, nagpasya ang simbahan na isuko ang donasyon. “Kasalukuyan po naming isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang upang masauli ito sa tamang paraan—sa wastong tao o institusyon at sa pamamagitan ng angkop na legal na proseso,” dagdag ng pahayag.
Ang hakbang na ito ay isinagawa alinsunod sa patnubay ng Diocese of Malolos at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Humingi rin ng paumanhin ang simbahan kung nagdulot ng alinlangan ang pagtanggap sa donasyon.
“Kung sakaling ito ay nakapagdulot ng alalahanin sa Simbahan at sa sambayanan, kami po ay humihingi ng paumanhin at nais din namin ipaabot ang aming paninindigan sa tunay na pagpapahalaga sa katarungan at kung ano ang tama,” sabi ng parokya.
Noong Setyembre 19, humarap si Alcantara sa Senado at inaming tumanggap siya ng ilang luxury cars, ngunit mariin niyang itinanggi ang pagkakasangkot sa katiwalian kaugnay ng umano’y mga “ghost projects” sa Bulacan.