Diskurso PH
Translate the website into your language:

Umano'y bagman ni Henry Alcantara, lumutang na sa senado

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-23 12:19:19 Umano'y bagman ni Henry Alcantara, lumutang na sa senado

MANILA — Uminit ang imbestigasyon ng Senado sa anomalya sa flood control projects ng DPWH matapos harapin ni Sen. Raffy Tulfo si Lauren Cruz, umano’y bagman ng dating DPWH District Engineer na si Henry Alcantara.

Sa pagdinig, diretsahang kinuwestyon ni Tulfo si Cruz hinggil sa mga alegasyong siya ang tumatanggap at naghahati ng pera mula sa mga kontrata at kickback ng flood control projects sa Bulacan at kalapit na probinsya. 

Mariing itinanggi ni Cruz ang paratang, iginiit na isa lamang siyang negosyante. Gayunman, sa ilalim ng pagtatanong, inamin niyang ang establishment na tinaguriang “tambayan” ng mga DPWH officials — kung saan umano binabagsak at hinahati-hati ang pera — ay pag-aari niya.

“Your Honor, yan kasi sinasabing tambayan… binili ko yan para i-flip lang at buy and sell. Negosyante po ako, hindi po bagman,” depensa ni Cruz.

Ngunit hindi kumbinsido si Tulfo.

“Kung bagsakan ng pera ang isang establishment na pag-aari mo, then it’s tantamount to you being a bagman. Kasi sinasalom ang pera galing sa kanila. Doon hinahati, doon binabagsak, sa lugar mo. Impossible na hindi mo alam,” giit ng senador.

Bukod sa usapin ng “tambayan,” ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na maraming sasakyan na diumano’y dinonate ni Alcantara ay nakapangalan kay Cruz sa sales invoice. “Marami tayong natrace na sasakyan. Pag nagdo-donate si Alcantara, ewan ko kung bakit sa’yo nakapangalan ang sales invoice,” ani Lacson. Kinuwestyon ng mga senador kung bakit dumaraan sa pangalan ni Cruz ang mga ari-arian na galing kay Alcantara kung wala siyang kinalaman sa operasyon.

Habang tumatanggi pa ring umamin si Cruz, lalo pang tumindi ang tono ni Tulfo. Binigyan niya si Cruz ng “last chance” para magsabi ng katotohanan.

“Bagman ka o hindi? Kung hindi ka aamin, ipakukulong kita for contempt. Last chance ito,” matapang na babala ni Tulfo.

Gayunman, nanindigan si Cruz: “Hindi po ako bagman. Negosyante po ako. May buy-and-sell business po ako.”

Ayon sa mga senador, hindi kapani-paniwala na walang kaalaman si Cruz sa nangyayari, lalo’t mismong sa kanyang lugar umano nagaganap ang hatian ng pera ng mga DPWH officials. Dagdag pa rito, milyon-milyong halaga ng salapi ang usapan, at regular na aktibidad umano ang ginagawang “tambayan.”

“Lahat ng restaurant open to the public, pero kapag milyon-milyong pera ang dinadala sa establishment mo, hindi puwedeng hindi ka aware. Impossible na hindi mo alam,” ayon kay Tulfo.

Ang pagdinig na ito ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomalya sa flood control projects ng DPWH mula 2019 hanggang 2025. Nauna nang tumestigo si Brice Hernandez at Henry Alcantara, na parehong umamin sa porsyentuhan at kickback system sa loob ng ahensya. Sa testimonya ni Hernandez, binanggit din niya ang mga pagkakataong milyon-milyon ang binubuhos sa mga casino, habang si Alcantara naman ay iniugnay sa direktang pamamahagi ng cash at paggamit ng “bagman” para ipadaan ang pera.