abagat paiigtingin ni Opong — malalakas na hangin sa Luzon at Visayas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-24 10:10:37
MANILA — Pormal nang naging tropical storm ang dating tropical depression na si Opong (international name: Bualoi) ngayong Miyerkules, Setyembre 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Inaasahan nitong magdulot ng malalakas na ulan, hangin, at posibleng storm surge sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.
Ayon sa 4:00 a.m. bulletin ng PAGASA, ang sentro ng Bagyong Opong ay nasa layong 855 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao, taglay ang maximum sustained winds na 65 kph at bugso na umaabot sa 80 kph. Kumikilos ito pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 20 kph.
Bagama’t wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal sa ngayon, sinabi ng PAGASA na maaaring magtaas ng Signal No. 1 sa loob ng araw sa mga sumusunod na lugar:
- Northeastern Mindanao
- Eastern Visayas
- Bicol Region
Inaasahan ding magiging severe tropical storm si Opong pagsapit ng Huwebes ng gabi, Setyembre 25, kung saan ang Signal No. 3 ang pinakamataas na posibleng itaas sa mga apektadong lugar.
Mga Posibleng Epekto
- Malalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at Southern Luzon simula Huwebes, Setyembre 25
- Storm surge warnings sa mga baybaying dagat ng Southern Luzon at Eastern Visayas
- Moderate to rough seas sa silangang baybayin ng Visayas at Northeastern Mindanao simula Huwebes ng hapon
- Enhanced southwest monsoon (habagat) na magdadala ng malalakas na hangin sa Luzon, Western Visayas, Surigao del Norte, at Dinagat Islands
Sa forecast track ng PAGASA, inaasahang magla-landfall si Opong sa Bicol Region sa hapon ng Biyernes, Setyembre 26, at tatawid sa Southern Luzon hanggang Sabado ng umaga. Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga posibleng maapektuhan na maghanda sa malalakas na ulan, hangin, at pagbaha, at bantayan ang mga susunod na abiso mula sa ahensya.