Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Sagasa,' 'parking fee'; pekeng proyekto ng DPWH, kumalat sa ibang distrito sa utos umano ni Co

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-25 17:44:29 'Sagasa,' 'parking fee'; pekeng proyekto ng DPWH, kumalat sa ibang distrito sa utos umano ni Co

SETYEMBRE 25, 2025 — Lumawak pa umano ang kontrobersyal na flood control scam ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa utos ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ayon kay dating DPWH First District Engineer Henry Alcantara.

Sa pagdinig ng Senado, isiniwalat ni Alcantara na hindi lang sa Bulacan isinagawa ang mga pekeng proyekto. 

“Upon the instruction of Cong. Zaldy Co, sabi niya, ‘Masyado nang malaki yung Bulacan. Pwede ka bang tumulong na makapagbigay din sa ibang districts?’” paglalahad niya.

Dahil dito, nag-alok si Alcantara ng kaparehong mga proyekto sa Tarlac (una at ikalawang distrito), Pampanga (ikatlong distrito), at Bulacan (ikalawang distrito). Aniya, pareho pa rin ang sistema — 25 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto ang napupunta kay Co. 

Matapos ibawas ang buwis at mga “commitment” sa ilang opisyal ng DPWH at pulitiko, 30 hanggang 35 porsyento na lang ang natitirang pondo para sa aktwal na implementasyon ng proyekto.

Nagbigay rin si Alcantara kay Co ng listahan ng mga district engineer na interesado sa mga proyekto. Nilinaw niyang hindi lahat ng kongresista sa mga nasabing distrito ay sangkot, maliban na lang kung ipinaalam ng engineer ang proyekto sa kanila.

Kung hindi alam ng kongresista ang proyekto, tinatawag itong “sagasa” — isinagawa nang walang pahintulot. Kapag naman may kaalaman ang mambabatas, binibigyan umano ito ng “parking fee” na limang porsyento.

Dagdag naman ni Senador JV Ejercito, “That is how powerful a district engineer is.” 

(Ganyan kalakas ang kapangyarihan ng isang district engineer.)

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)