Bato Dela Rosa, pipiliin ang Muntinlupa kesa death penalty
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-25 17:31:13
MANILA — Muling iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang panukalang ibalik ang death penalty sa Pilipinas, partikular para sa mga kasong plunder o matinding korapsyon, sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig nitong Setyembre 25, tinanong ni Dela Rosa si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kung sa tingin nito ay makatutulong ang parusang kamatayan upang pigilan ang mga opisyal ng gobyerno sa paggawa ng katiwalian. “So, mas maganda na meron tayong death penalty. Coming from his mouth,” ani Dela Rosa, matapos aminin ni Bernardo ang kanyang pagkakasangkot sa ilang iregularidad.
“Umamin na siya na nagkakasala, gumawa siya ng kalokohan. Pero kung meron tayong death penalty, hindi niya gagawin ‘yun dahil matatakot siya,” dagdag pa ng senador.
Tumugon si Bernardo, “Palagay ko po maraming matatakot talaga doon. Hindi ko masasabi na mawawala totally pero tiyak na mababawasan.” Nauna nang inamin ni Bernardo na naging bahagi siya ng mga anomalya sa ilang flood control projects mula 2022 hanggang 2024.
Ang panukalang batas ni Dela Rosa, Senate Bill No. 1343, ay naglalayong ibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga mapapatunayang nagkasala ng plunder.
Sa nasabing hearing, tinanong si Bato ni Senate Committee Chairperson Panfilo “Ping” Lacson, “Kung papipiliin ka, death penalty o Muntinlupa?”
Biro ngunit may laman ang sagot ni Dela Rosa, “Mas gusto ko sa Muntinlupa kasi pwede mag-negosyo doon. May nagnenegosyo nga ng shabu.”
Nagdulot ito ng tawanan sa session hall ngunit agad na pinaalis ni Senate President Tito Sotto ang nasabing remarks ni Dela Rosa.