Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sana all, jet-setter! Zaldy Co, lumipad pa-Spain habang kinukuyog ng kontrobersya sa flood control funds

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-25 20:11:31 Sana all, jet-setter! Zaldy Co, lumipad pa-Spain habang kinukuyog ng kontrobersya sa flood control funds

SETYEMBRE 25, 2025 — Patuloy ang paglalakbay ni Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa gitna ng mga akusasyong sangkot siya sa multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control project ng gobyerno.

Ayon sa flight records na nakuha ng Politiko, si Co ay lumipad mula Dubai patungong Madrid, Spain noong Setyembre 24, matapos ang ilang linggong pananatili sa Singapore. Nauna na siyang bumiyahe sa New York mula Agosto 26 hanggang Setyembre 13. Sa Singapore, binigyan siya ng 30-araw na visit pass na may bisa hanggang Oktubre 16.

Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inaalam ng Department of Justice (DOJ) ang ulat ukol sa biyahe ni Co sa Spain. 

“He’s being tracked already. We're trying to track him and maraming tumutulong ng tao,” ani Remulla. 

Kasabay nito, naglabas na rin ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Co ang DOJ, sa kahilingan ni DPWH Secretary Vince Dizon.

Si Co ay nahaharap sa reklamo sa DOJ kaugnay ng graft, malversation, at indirect bribery. Sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsiwalat ng umano’y komisyon na ibinibigay sa kampo ni Co mula sa flood control allocations.

Si Henry Alcantara, dating district engineer ng DPWH sa Bulacan, ay nagsabing si Co ay tumatanggap umano ng 20 hanggang 25 porsyento mula sa pondo ng mga proyekto. Isa pang dating opisyal, si Brice Hernandez, ay nagtestigo na siya mismo ang naghatid ng halos ₱1 bilyon na cash — nakalagay sa 20 malalaking maleta — sa mga tauhan ni Co gamit ang ilang van.

Bukod kay Co, binanggit din sa testimonya ang pangalan nina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, dating Senador Bong Revilla, at Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy bilang umano’y nakinabang sa mga komisyon.

Mariin namang itinanggi ni Co ang mga paratang. 

“The allegations made against me during today's Senate hearing are false and baseless. I reserve my right to respond to these allegations at the proper time before the proper forum,” pahayag niya. 

(Ang mga paratang laban sa akin sa pagdinig ng Senado ngayong araw ay mali at walang basehan. Ipinagkakaloob ko ang aking karapatang tumugon sa tamang panahon at sa tamang lugar.)

Habang lumalalim ang imbestigasyon, nananatiling palaisipan kung babalik pa si Co sa bansa upang harapin ang mga akusasyon.

(Larawan: Philippine Information Agency)