DBM: edukasyon, blockchain buhos ang pondo; DPWH, tinapyasan ng ₱255B
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-25 14:51:27
SETYEMBRE 25, 2025 — Sa gitna ng kontrobersya sa mga proyektong pang-inprastruktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH), binigyang-diin ng pamahalaan ang pagpapalakas ng sektor ng edukasyon at paggamit ng blockchain para sa mas malinaw na paggasta ng pondo sa 2026 national budget.
Tinapyasan ng halos ₱255 bilyon ang panukalang budget ng DPWH para sa susunod na taon — mula ₱881 bilyon ay naging ₱625.78 bilyon na lamang. Sa halip, inilaan ang malaking bahagi ng pondo sa mga serbisyong panlipunan, partikular sa edukasyon, kalusugan, at digital monitoring ng mga proyekto.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi sangkot ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga tinatawag na “insertions” o paglalagay ng mga proyektong hindi dumaan sa tamang proseso.
“DBM not involved in insertions,” giit ni Pangandaman.
(Hindi sangkot ang DBM sa mga insertions.)
Sa ilalim ng ₱6.793 trilyong panukalang budget para sa 2026, umabot sa ₱1.224 trilyon ang inilaan para sa edukasyon — ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa. Sa unang pagkakataon, makakamit ng Pilipinas ang rekomendadong 4% ng gross domestic product (GDP) na alokasyon para sa edukasyon, ayon sa pamantayan ng UNESCO.
Ang Department of Education (DepEd) ay makakatanggap ng ₱928.52 bilyon. Kabilang dito ang ₱11.8 bilyon para sa pinalawak na school feeding program, ₱3 bilyon para sa last mile schools sa mga liblib na lugar, at ₱28.1 bilyon para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng mga silid-aralan, pasilidad ng tubig, at sanitasyon.
Malaking pagtaas din ang nakamit ng DepEd computerization program na may ₱16.45 bilyon — 576% na dagdag — para sa e-classroom at e-learning packages. Bukod pa rito, ₱15.39 bilyon ang inilaan para sa paglikha ng mahigit 65,000 teaching at non-teaching positions upang maibsan ang pasaning administratibo ng mga guro.
Sa antas ng kolehiyo, makakatanggap ng ₱134.99 bilyon ang mga state universities and colleges (SUCs), habang ₱34 bilyon ang mapupunta sa Commission on Higher Education (CHED). Sa ilalim ng “ACHIEVE” agenda ng CHED, ₱27.41 bilyon ang ilalaan sa universal access to quality tertiary education program, na sasagot sa matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante.
Para naman sa mga mag-aaral mula sa mahihirap at lower-middle-income na pamilya, ₱2.15 bilyon ang inilaan para sa student financial assistance programs. Inilunsad din ang Bagong Pilipinas merit scholars program na may paunang ₱630 milyong pondo para sa mga incoming college students na nagtapos bilang pinakamahuhusay sa senior high school.
Bukod sa edukasyon, binigyang-pansin din ng pamahalaan ang paggamit ng blockchain technology para sa mas transparent na paggasta ng pondo. Isa ang Pilipinas sa mga unang bansa sa Asya na nagpatupad ng blockchain infrastructure para sa monitoring ng government spending. Sinusuportahan ito ng Kongreso sa pamamagitan ng panukalang batas upang gawing institusyonal ang teknolohiya.
Kasabay nito, ipinakilala ang Project DIME — isang geotagging at satellite-based platform na nagbibigay ng real-time na impormasyon sa mga proyektong pang-inprastruktura. Sa pamamagitan ng DIME, maaaring masubaybayan ng publiko ang mga detalye ng proyekto gaya ng budget utilization, implementing agencies, contractors, kontrata, timeline, at status. Aktibo na ang platform mula pa noong 2022.
Sa kabila ng mga agam-agam sa DPWH, kabilang ang pansamantalang suspensyon ng bidding ng mga proyekto sa ilalim ng bagong kalihim na si Vince Dizon, nananatiling kumpiyansa si Pangandaman na maaaprubahan sa tamang oras ang 2026 budget.
Sa kabuuan, malinaw ang direksyon ng pamahalaan: palakasin ang edukasyon, gawing mas epektibo ang paggasta ng pondo, at gamitin ang teknolohiya para sa mas bukas at responsableng pamamahala.
(Larawan: @dbmgovph | Instagram)