Eric Yap ng ACT-CIS, idinadawit sa umano’y pagdadala ng maleta-maleta ng pera sa bahay ni Zaldy Co
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-25 12:11:42
MANILA — Nadawit ang pangalan ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y malawakang anomalya sa flood control projects, matapos lumabas sa testimonya ng dating security consultant ni Rep. Zaldy Co na isa siya sa mga nagdadala ng maleta-maleta ng pera sa tahanan ng kongresista sa Pasig City.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Orly Regala Goteza, dating close-in security at consultant ni Co, na ginamit nila ang salitang “basura” bilang code name para sa pera. Ayon kay Goteza, umaabot sa ₱48 milyon kada maleta ang laman nito, at minsan ay nakita niyang naghatid si Yap ng 46 maleta sa bahay ng kongresista.
Dagdag pa niya, hindi lahat ng maletang iniluluwas ay nakararating sa mismong bahay dahil may mga pagkakataong “bawas na” ang dala bago pa man ibaba ang kargamento. Iniuugnay din ni Goteza na bukod sa bahay sa Valle Verde, Pasig, may mga delivery rin na idinadaan sa Horizon Residences sa Taguig na ginagamit umano ni Co.
Binanggit din sa testimonya na bahagi ng tinatawag na “deliveries” ay hindi lamang para kay Co kundi pati na rin umano kay dating House Speaker Martin Romualdez, bagama’t wala pang pormal na dokumento o ebidensiyang nagpapatibay sa pahayag na ito.
Samantala, hanggang ngayon ay nananatiling tahimik si Yap at hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag hinggil sa akusasyon. Sa mga naunang isyu ng katiwalian, iginiit na niya na handa siyang bumitiw sa puwesto kung mapapatunayang may sala at tinawag na “black propaganda” ang mga paratang laban sa kanya.
Si Co, na konektado sa Sunwest Group na may malalaking kontrata sa Department of Public Works and Highways, ay hindi rin nakikita sa publiko matapos mapansin na nilisan at nilimas na ang kanyang bahay sa Pasig.
Samantala, humiling si Goteza na mapasailalim sa Witness Protection Program dahil sa banta umano sa kanyang buhay matapos niyang ilahad ang umano’y sistema ng pagdadala ng maleta ng pera.
Patuloy namang nananawagan ang mga senador at mga grupong sibiko na tukuyin at papanagutin ang mga sangkot sa kontrobersya, habang hinihintay ang resulta ng mas malalim na imbestigasyon ng Senado, Ombudsman at iba pang kaukulang ahensya.