Forbes mansion ni Michael Yang, kay Romualdez na — tagpuan, bagsakan ng kickbacks mula sa flood control projects
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-25 18:43:58
SETYEMBRE 25, 2025 — Isiniwalat ng dating sundalo at kasalukuyang security aide ni Rep. Elizaldy “Zaldy” Co ang umano’y regular na paghahatid ng milyong pisong kickback para kay dating House Speaker Martin Romualdez sa isang mansion sa Forbes Park na dating pag-aari ni Michael Yang.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Orly Regalaa Guteza na ang mga maletang may lamang salapi—tinawag nilang “basura”—na tinatayang naglalaman ng ₱50 milyon bawat isa, ay unang dinadala sa 42 McKinley Road, Forbes Park, tirahan ni Romualdez.
Kalaunan, inilipat umano ang destinasyon ng mga “basura” sa dalawang bagong lugar: isang bahay sa Aguado Street sa loob ng Malacañang compound, at isang mansion sa 90 Narra Street, Forbes Park—dating pag-aari ni Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nang tanungin kung si Romualdez ang bumili ng mansion, sagot ni Guteza: “Allegedly, your Honor.” (Di-umano, kagalang-galang.)
Ipinaliwanag niya kung paano niya nalaman na kay Romualdez na ang bahay: “Kasi doon na nagde-deliver ’yung tropa nung hindi na nagde-deliver sa 42, your Honor.” (Dahil doon na nagdadala ng pera ang grupo nang tumigil na sila sa paghatid sa 42 McKinley, kagalang-galang.)
Dagdag pa niya, tiyak niyang dating kay Yang ang mansion dahil may dating kasamahan siyang naka-assign bilang security detail ni Yang noong ito pa ang nakatira roon.
Ayon kay Guteza, 2 hanggang 3 beses kada linggo ang paghatid ng “basura” sa mansion sa Narra Street. Sa parehong bahay na ito, na dating kay Yang at ngayo’y inuugnay kay Romualdez, umano’y ginagawang tagpuan ng mga kickback mula sa mga proyekto ng flood-control.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y sistematikong paglalabas ng pondo kapalit ng komisyon, na ngayo’y tumututok sa mga lokasyon ng paghahatid ng pera at mga personalidad na sangkot.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)