Hernandez: Computer files naglalaman ng ebidensya laban sa kongresista, hindi senador
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-25 14:07:54
Setyembre 25, 2025 – Mariing nilinaw ni dating Bulacan assistant engineer Brice Hernandez na ang computer na kaniyang isinuko sa mga awtoridad ay naglalaman ng ebidensya laban sa ilang miyembro ng House of Representatives at hindi laban sa mga senador.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, sinabi ni Hernandez na nais lamang niyang itama ang lumabas na impormasyon na maaaring madawit ang apat na kasalukuyang senador at dalawang dating senador batay sa naunang pahayag ng kaniyang abogado na si Atty. Raymond Fortun.
“Actually, may mga congressmen po na nandoon. Hindi po senador ‘yung laman ng computer ko,” pahayag ni Hernandez sa komite.
Dagdag pa niya, siya mismo ang nagpayong huwag munang maglabas ng mga pangalan hangga’t hindi pa nasusuri at napapatunayan ang mga dokumento at datos mula sa nasabing computer.
Matatandaang sa isang naunang pagdinig ay nabanggit ni Fortun na posibleng may mas maraming senador ang madawit sa kontrobersiya ng flood control projects, bagay na nagdulot ng agam-agam sa ilang miyembro ng Senado.
Dahil dito, nanawagan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ipatawag din si Fortun sa susunod na pagdinig upang linawin ang kaniyang mga pahayag na nagbigay umano ng kalituhan sa publiko at sa mga senador mismo.
Samantala, una nang isiniwalat ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na may mga opisyal ng pamahalaan, kabilang ang ilang senador at kongresista, na nakinabang umano sa kickback mula sa mga flood control projects.
Inaasahan ng Senado na bubuksan at susuriin pa sa mga susunod na linggo ang karagdagang mga kahon ng dokumento at electronic files na isinumite ni Hernandez bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad.