Kickback pa more! Chiz, dawit din sa Sorsogon streetlight project issue
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-25 19:21:52
SETYEMBRE 25, 2025 — Lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y pakikialam ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa proyekto ng streetlights sa Sorsogon, kasabay ng mas malalim na alegasyon ng P160 milyong pondo na iniuugnay sa kanya.
Sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, sinabi niyang pinatawag siya ni Escudero noong Agosto 2022 sa confirmation hearing ni DPWH Secretary Manuel Bonoan. Ayon kay Bernardo, tinanong siya ng senador kung ano ang magagawa ng ahensya sa kakulangan ng ilaw sa mga lansangan ng Sorsogon.
Kalaunan, nakatanggap umano si Bernardo ng listahan ng mga proyekto mula sa bayaw ni Escudero, kung saan kabilang ang streetlight project.
“Subsequently, I received from the brother-in-law of Sen. Chiz Escudero a list of projects which included the aforesaid street light project,” ani Bernardo.
(Matapos noon, nakatanggap ako mula sa bayaw ni Sen. Chiz Escudero ng listahan ng mga proyekto kung saan kasama ang nabanggit na streetlight project.)
Sa isang hiwalay na affidavit, isiniwalat ni Bernardo ang isang tagpo sa Cork Wine Bar sa Makati noong 2023, kung saan umano sinabi ni Escudero, “Alam ko naman ang galawan n’yo diyan sa DPWH. OK naman ako, sabihin mo kay (secretary Bonoan) magbaba sa’kin.”
Bukod sa streetlight project, idinawit din si Escudero sa mas malawak na kontrobersya ng flood control fund. Ayon kay Bernardo, nagkaroon sila ng kasunduan ni negosyanteng Maynard Ngu — kaibigan at campaign contributor umano ni Escudero — na magbigay ng listahan ng mga proyekto kapalit ng 20% komisyon. Tinukoy ni Bernardo ang P160 milyon mula sa P800 milyong halaga ng proyekto na umano’y para kay Escudero.
Mariin namang itinanggi ni Escudero ang mga paratang, at iginiit na wala siyang direktang ugnayan kay Bernardo tungkol sa mga proyekto. Tinawag niyang “malicious” at “politically motivated” ang mga akusasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)