Diskurso PH
Translate the website into your language:

Opisyal ng DepEd na iniugnay sa 15% kickback, todo tanggi, boluntaryong nag-leave

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-25 15:41:36 Opisyal ng DepEd na iniugnay sa 15% kickback, todo tanggi, boluntaryong nag-leave

SETYEMBRE 25, 2025 — Isang mataas na opisyal ng Department of Education (DepEd) ang nadawit sa umano’y komisyon mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon sa affidavit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.

Sa dokumentong isinumite ni Bernardo, binanggit niya si DepEd Undersecretary Trygve Olaivar na umano’y humingi ng 15% mula sa P2.85 bilyong halaga ng mga proyekto ng DPWH. Aniya, ang naturang halaga ay para raw sa Office of the Executive Secretary.

“Sometime 2024, Usec. Olaivar personally called me for a meeting to discuss about Unprogrammed Appropriations supposedly for the Office of the Executive Secretary. In the said meeting, he requested me to submit a list of projects,” saad ni Bernardo. 

(Noong 2024, personal akong tinawagan ni Usec. Olaivar para sa isang pulong ukol sa Unprogrammed Appropriations na umano’y para sa Office of the Executive Secretary. Sa nasabing pulong, hiniling niyang magsumite ako ng listahan ng mga proyekto.)

Dagdag pa ni Bernardo, si Engr. Henry Alcantara ang umano’y tagakolekta ng komisyon at nagdadala nito kay Olaivar sa Magallanes, Makati at iba pang lugar.

Mariing itinanggi ni Olaivar ang paratang. 

“I deny the allegations made and want to state clearly that I welcome any investigation regarding this matter. To allow a fair inquiry, I will voluntarily take a leave of absence from my post and am ready to fully cooperate with any and all proceedings,” pahayag niya. 

(Itinatanggi ko ang mga paratang at nais kong ipabatid na bukas ako sa anumang imbestigasyon tungkol dito. Para sa patas na pagsisiyasat, boluntaryo akong magle-leave sa aking posisyon at handang makipagtulungan sa lahat ng proseso.)

Kinumpirma ni DepEd Secretary Sonny Angara na pansamantalang magle-leave si Olaivar. 

Ayon sa profile ng DepEd, mahigit dalawang dekada na sa serbisyo publiko si Olaivar at itinalaga bilang undersecretary noong Agosto 2, 2024.

(Larawan: DepEd)