‘Painful’: Yap, itinangging may kinalaman sa 46 maleta ng pera na dineliver kay Co
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-25 15:39:40
SETYEMBRE 25, 2025 — Mariing pinabulaanan ni Benguet Representative Eric Go Yap ang paratang na siya ang nagdala ng 46 maleta ng pera sa bahay ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co — isang akusasyong lumutang sa gitna ng imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya sa mga flood control project ng gobyerno.
Sa pahayag ni Yap nitong Huwebes, Setyembre 25, sinabi niyang ikinagulat at ikinasama ng loob ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa kontrobersiya.
“I was disheartened to hear my name mentioned in today’s Senate hearing on alleged irregularities in flood control projects. To be implicated in such matters is painful, not only for myself, but also for the people I have pledged to serve with integrity,” aniya.
(Nalungkot ako nang marinig ang pangalan ko sa pagdinig ng Senado ukol sa umano’y iregularidad sa mga flood control project. Masakit na madawit sa ganitong usapin, hindi lang para sa akin, kundi para rin sa mga taong pinangakuan kong paglilingkuran nang may integridad.)
Ang akusasyon ay nagmula kay Orly Guteza, dating security consultant umano ni Co, na nagsabing si Yap ang nagdala ng mga maleta ng pera sa bahay ng kongresista sa Taguig. Nangyari raw ito noong si Yap ay kinatawan pa ng ACT-CIS Party-list.
Ngunit giit ni Yap, wala siyang kinalaman sa anumang transaksyong may kaugnayan sa pondong inilaan para sa mga proyekto ng flood control.
“I categorically deny any involvement in the acts being alleged. I have never accepted, nor authorized, the delivery of money in connection with flood control projects. These claims are untrue,” ayon sa kanya.
(Mariin kong itinatanggi ang anumang kaugnayan sa mga ibinibintang. Hindi ako kailanman tumanggap o nag-utos ng pagdadala ng pera kaugnay sa mga proyekto ng flood control. Hindi totoo ang mga paratang.)
Bilang dating chairman ng House appropriations committee sa ilalim ng administrasyong Duterte, naging sentro si Yap ng mga usapin tungkol sa pondo ng gobyerno. Si Co naman ang humalili sa posisyon sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Sa kabila ng bigat ng paratang, iginiit ni Yap na handa siyang harapin si Guteza sa tamang pagkakataon at legal na proseso.
“I welcome the chance to face the witness who implicated me, but in the proper forum and under proceedings where my constitutional rights are respected,” aniya.
(Bukas akong harapin ang testigong nagdawit sa akin, pero sa tamang forum at sa ilalim ng prosesong gumagalang sa aking mga karapatang konstitusyonal.)
Dagdag pa ni Yap, nananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
“My work has always been guided by service, not self-interest. I remain steadfast in that mission, and I am confident that, in the end, truth and justice will prevail and the real culprits who perpetrated these crimes are exposed,” giit niya.
(Ang trabaho ko ay laging ginagabayan ng serbisyo, hindi pansariling interes. Mananatili akong matatag sa misyong ito, at tiwala akong sa huli, ang katotohanan at hustisya ang mananaig at ang tunay na salarin ay mabubunyag.)
Sa ngayon, patuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maanomalyang flood control projects.
(Larawan: Philippine News Agency)