Revilla, humingi ng dagdag kickback para sa kampanya sa pagka-senador
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-25 19:46:33
SETYEMBRE 25, 2025 — Isang bagong alegasyon ang lumutang sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y komisyon na tinanggap ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. mula sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa ilalim ng panunumpa, isiniwalat ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na noong 2024 ay personal siyang nakipagkita kay Revilla upang iabot ang listahan ng mga proyekto mula kay dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara. Ayon kay Bernardo, agad na humiling si Revilla ng “commitment” mula sa mga proyekto.
“Senator Bong Revilla and I met where I gave him a list of projects given to me by Engr. Alcantara. Revilla asked for commitment, which I suggested then he approved at 25% of the total amount of the projects,” pahayag ni Bernardo.
(Nagkita kami ni Senador Bong Revilla kung saan iniabot ko sa kanya ang listahan ng mga proyekto mula kay Engr. Alcantara. Humiling si Revilla ng commitment, na aking iminungkahi at agad niyang inaprubahan sa 25% ng kabuuang halaga ng mga proyekto.)
Dagdag pa ni Bernardo, inatasan niya si Alcantara na kolektahin ang 25% na bahagi, na umabot sa P125 milyon. Ang naturang halaga ay iniabot umano niya mismo sa bahay ni Revilla sa Cavite.
“Alcantara collected the 25% commitment, or about P125 million, which was turned over to me and then delivered to Sen. Revilla in his house in Cavite,” aniya.
(Kinolekta ni Alcantara ang 25% commitment, o humigit-kumulang P125 milyon, na iniabot sa akin at pagkatapos ay dinala ko sa bahay ni Sen. Revilla sa Cavite.)
Ayon pa kay Bernardo, hindi lamang 25% ang hinihingi ni Revilla. Sinabihan niya umano si Alcantara na magdagdag pa bilang suporta sa muling pagtakbo sa pagka-senador sa 2025 elections.
“I told him that Revilla would appreciate additional contributions for his senatorial re-election bid,” giit ni Bernardo.
(Sinabi ko sa kanya na ikatutuwa ni Revilla kung may dagdag na kontribusyon para sa kanyang muling pagtakbo sa Senado.)
Mariing pinabulaanan ni Revilla ang mga paratang at iginiit na handa siyang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)