Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Baka makulong talaga si Senator Joel’: Ridon, binuweltahan si Bro Eddie sa sermon tungkol sa flood control scandal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-28 16:19:15 ‘Baka makulong talaga si Senator Joel’: Ridon, binuweltahan si Bro Eddie sa sermon tungkol sa flood control scandal

SETYEMBRE 28, 2025 — Hindi pinalampas ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang sermon ni CIBAC Rep. Eddie Villanueva na tila may patama sa kanya kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan ni Sen. Joel Villanueva sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa isang Facebook post nitong Linggo, Setyembre 28, tahasang sinabi ni Ridon: “Bro Eddie baka makulong talaga si Senator Joel kahit isumpa mo pa ako.”

Ang pahayag ay tugon sa sermon ni Bro Eddie isang araw bago nito, kung saan binanggit niya: “Yan, yan … nagkamali ka bata. Baka akala mo makakatakas ka sa sumpa ng Diyos? Pasalamat ka na-born again si Bro. Eddie.” 

Habang nagsasalita si Bro Eddie sa isang church event, ipinakita sa screen ang mga larawan nina Ridon at dating DPWH engineer Brice Ericson Hernandez — ang testigong unang nagdawit kay Sen. Villanueva sa umano’y kickbacks mula sa flood mitigation projects.

Ngunit giit ni Ridon, hindi si Hernandez lang ang nagbanggit sa senador. Ayon sa kanya, si Henry Alcantara — dating boss umano ni Hernandez — ay nagbigay rin ng testimonya na tumutukoy kay Sen. Villanueva.

Binanggit ni Ridon ang bahagi ng affidavit ni Alcantara: “Ang halagang P150M ay dinala ko sa isang resthouse sa Brgy. Ibulot, Bocaue, Bulacan na iniwan ko po sa tao nya na si ‘Peng’. Sinabi ko kay Peng na paki bigay na lang kay Boss (Sen. Joel). Tulong lamang iyon para sa future na plano niya. Pero hindi po nila alam na doon galing iyon sa flood control.” 

Hinamon ni Ridon ang Senate Blue Ribbon Committee na tukuyin kung sino si “Peng” at kung may koneksyon ito sa senador. 

Tanong pa niya, “Sino ang may-ari ng resthouse? Totoo bang galing sa unprogrammed appropriations ang P150M?”

(Larawan: Philippine News Agency)