Diskurso PH
Translate the website into your language:

Wala munang livestream: ICI hearings, hindi pa muna bubuksan sa publiko

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-28 18:48:59 Wala munang livestream: ICI hearings, hindi pa muna bubuksan sa publiko

SETYEMBRE 28, 2025 — Hindi pa mapapanood online ang mga pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects ng gobyerno sa nakalipas na dekada.

Ayon kay ICI executive director Brian Keith Hosaka, hindi pa isinasa-livestream ang mga pagdinig dahil ito ay bahagi pa lamang ng case buildup para sa posibleng kasong kriminal, sibil, at administratibo.

“Currently, the ICI hearings are not live streamed. This is the present policy of the commission. The initial hearings, so far, are for purposes of case build-up for criminal, civil, and administrative action,” pahayag ni Hosaka. 

(Sa kasalukuyan, hindi pa inila-livestream ang mga pagdinig ng ICI. Ito ang umiiral na polisiya ng komisyon. Ang mga paunang pagdinig ay para sa paghahanda ng mga kaso sa kriminal, sibil, at administratibo.)

Dagdag pa niya, layunin ng komisyon na iwasan ang “trial by publicity” at ang paggamit ng mga pagdinig para sa pansariling interes ng sinuman.

“The ICI is avoiding trial by publicity, and will not allow it to be used for any political leverage or agenda by any individual or group,” giit ni Hosaka. 

(Iniiwasan ng ICI ang paglilitis sa publiko, at hindi ito papayag na gamitin para sa pampulitikang interes ng sinuman.)

Gayunpaman, bukas ang komisyon sa posibilidad ng livestream sa hinaharap. Tiniyak ni Hosaka na tatalakayin nila ito upang makahanap ng balanse sa pagitan ng transparency at karapatang pantao.

Sa mga naunang pagdinig, ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan ang humarap sa ICI, kabilang sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza. Dumalo rin sina Rep. Toby Tiangco, dating Senador Chiz Escudero, at Senador Grace Poe upang ipaliwanag ang proseso ng budget sa Kongreso.

Itinatag ang ICI sa bisa ng Executive Order No. 94 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 11. Pinamumunuan ito ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr., kasama sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV managing partner Rossana Fajardo.

(Larawan: Philippine News Agency)