Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ben ‘Bitag’ Tulfo sinabon si Cong. Ralph: 'I rebuke you out of love'

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-30 08:14:57 Ben ‘Bitag’ Tulfo sinabon si Cong. Ralph: 'I rebuke you out of love'

MANILA — Sa isang matapang at emosyonal na pahayag, sinabon ni veteran broadcaster at columnist na si Ben “Bitag” Tulfo ang kanyang pamangkin na si Congressman Ralph Tulfo, kaugnay ng mga isyung kinakaharap nito sa publiko. Sa gitna ng kontrobersiya, hindi nag-atubiling magsalita si Ben, kilala bilang “Bitag,” upang ipahayag ang kanyang pagkadismaya at pag-aalala sa kinabukasan ng pamangkin.

“Congressman Ralph, makinig ka. I care about you and I'm concerned about your tomorrow. Malayo pang mararating mo, iho,” ani Ben sa kanyang pahayag. “Naka-dalawa na itong pamangking ko na 'to. Sumunod ka sa prinsipyo at paninindigan at sa tamang landas ng uncle mo, si Bitag. Huwag kang gumaya sa mga trapo.”

Hindi rin pinalampas ni Ben ang mga mambabatas na umano’y ginagamit ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga privilege speeches. “Makinig po kayo, mga nasa Kongreso at Senado. Huwag nyo pong gagamitin yung mga Bible verses sa mga privileged speeches na maganda mapakinggan, pero alam naman natin siguro, naniniwala kayo roon, pero mas magandang act more doon sa sinasabi nating decorum, what's expected of you bilang mambabatas. You don't have to show them that you're godly.”

Aminado si Ben na masakit para sa kanya ang pagpuna sa sariling kadugo, ngunit aniya, ito ay ginagawa niya “out of love.” “Itong pamangking ko na ito, pinupuna kita. I am rebuking you publicly. It's not to shame you but out of love, out of love. Ginagawa ko po ito to save the other members of the family who carry the same last name as you do, but they carry it with integrity, honor, and respect.”

Binalikan din ni Ben ang mga aral ng kanilang ama, si Col. Ramon Tulfo Sr., na aniya’y nagturo sa kanila ng kahalagahan ng dangal at paninindigan. “Kami po yung unang henerasyon… Nakakalungkot. Yung apelidong dinadala namin, sumasablay yung ilan. Nahihiya po kami.”

Sa kanyang panawagan, iginiit ni Ben na walang sinuman sa pamilya ang ligtas sa kanyang pagpuna, kahit ang sariling anak. “Hindi ligtas kahit mga anak ko. Knock on wood, huwag lang sana sa mga anak ko kasi hahambalusin ko sa harap sa publiko. Itagahan nyo sa bato.”

Bagamat kinilala niya ang public apology ni Cong. Ralph, hinimok niya itong maging mas tapat at responsable. “Alam ko naman humingi ka na ng public apology, but it comes with sincerity and accountability. Sana huwag na maulit.”

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, muling iginiit ni Ben ang kanyang paninindigan: “Ayusin nyo! Anak nyo yan. Huwag nang ilagay sa kahihiyan ang mga nagdadala ng pangalan. Kung sakaling hindi ako ang mag-aayos niyan, itaggan nyo sa bato. Period.”

Patuloy ang pag-usisa ng publiko sa mga isyung kinakaharap ni Cong. Ralph, habang nananatiling bukas ang Senado sa mga panawagan ng transparency at accountability.