₱1 bilyon na investment ng GSIS sa online sugal, binatikos ni Sen. Risa Hontiveros
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-30 21:48:33
Setyembre 30, 2025 – Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na binale-wala umano ng Government Service Insurance System (GSIS) ang epekto sa lipunan nang magpasya itong maglagak ng pondo sa isang online gambling platform.
Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, sinabi ni Hontiveros na tinatayang nasa ₱1 bilyon ang inilagak ng GSIS sa nasabing negosyo, na kilala bilang DigiPlus. Aniya, hindi isinama sa pagsusuri ang posibleng pinsala sa mga pamilyang Pilipino na maaaring maapektuhan ng pagsusugal gaya ng pagkakabaon sa utang at pagkawasak ng kabuhayan.
“Hindi sapat na kumita lamang ng pera. Dapat isaalang-alang ng GSIS ang moral at panlipunang epekto ng kanilang mga desisyon, lalo na’t pera ng mga kawani ng gobyerno ang nakataya,” pahayag ni Hontiveros.
Binatikos din ng senadora ang umano’y kakulangan ng transparency sa proseso ng pamumuhunan. Giit niya, kailangang busisiin kung dumaan sa wastong pag-apruba ng board at kung naayon ito sa mandato ng GSIS na pangalagaan ang pensyon at benepisyo ng mga miyembro.
Samantala, nanindigan naman ang GSIS na ligtas at matatag pa rin ang kanilang Social Insurance Fund. Sa naunang pahayag, tiniyak ng ahensiya na nananatiling “secure at actuarially sound” ang pondo ng kanilang mga miyembro at hindi malalagay sa alanganin dahil sa nasabing investment.
Gayunman, binigyang-diin ni Hontiveros na hindi lang usapin ng tubo ang dapat tingnan ng GSIS. “May pananagutan sila hindi lamang sa kanilang miyembro kundi sa sambayanan. Kung ang pinagkakakitaan ay may malinaw na panganib sa lipunan, dapat itong pag-isipan nang mabuti,” dagdag niya.
Patuloy na pinag-aaralan ng Senado ang usapin, habang hinihintay ang mas detalyadong paliwanag ng GSIS hinggil sa naturang pamumuhunan.