Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOH: mga biktima ng lindol sa Cebu, pasok sa zero balance billing

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-03 16:53:12 DOH: mga biktima ng lindol sa Cebu, pasok sa zero balance billing

OKTUBRE 3, 2025 — Hindi na kailangang mag-alala sa gastusin sa ospital ang mga nasaktan sa 6.9-magnitude na lindol sa Cebu. Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na ipatupad ang “zero balance billing” para sa lahat ng pasyente na naapektuhan ng sakuna.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, “Di ninyo po kailangan lumapit sa desk. Bill ninyo lang po, i-zero na po ‘yan sa utos na rin ng ating Pangulo.” 

Tatlong pampublikong ospital sa Cebu — Vicente Sotto Memorial Medical Center, Cebu South Medical Center, at Eversley Childs Sanitarium and General Hospital — ang agad na nagpatupad ng polisiya. Pinag-aaralan na rin ng PhilHealth kung paano ito mapapalawak sa mga pribadong ospital, depende sa pondo.

Naglabas na rin ng karagdagang pondo ang Office of the President para sa pagkukumpuni ng mga ospital at tulong sa operasyon.

Samantala, tiniyak ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa Senado na may natitirang ₱166 milyon sa Quick Response Fund ng DOH. Gagamitin ito para sa gamot, gamit pang-opera, at pagsasaayos ng mga pasilidad sa Cebu at Masbate.

“The Health Emergency Management Bureau has a quick-release fund. We use it for emergencies like this,” ani Herbosa. 

(May mabilisang pondo ang Health Emergency Management Bureau. Ginagamit ito sa mga ganitong emergencies.)

Dagdag pa ni Herbosa, handa ang DOH na pamahalaan ang mga lokal na health center kung kinakailangan, at magpapadala din ng psychosocial teams mula sa National Center for Mental Health para tumulong sa mga survivor.

Nauna nang agad na nagpadala ng emergency medical teams ang DOH matapos ang lindol. May ₱1 milyon halaga ng gamot ang naipadala, at nailipat na agad ang ilang pasyente mula sa mga apektadong ospital.

“Mula ng gabi na lumindo,l nag-deploy agad ang DOH, at sa deployment na ‘yon ay may bilang na ng mga pasyente na nailipat na mula sa ground zero,” sabi ni Domingo. 

Nananatiling naka-Code White alert ang DOH para sa tuloy-tuloy na koordinasyon.

Bagama’t walang malawakang pinsala sa mga ospital, sinisiyasat pa rin ang siyam na primary care facilities sa Daanbantayan, Medellin, Tubigon, Sogod, Tabuelan, Borbon, at Catmon para sa posibleng structural damage.

Sa Bogo City naman, nagsimula nang bumalik sa normal ang operasyon ng mga ospital.

Nagpahayag din ang World Health Organization (WHO) at iba pang international partners ng kahandaang tumulong. Naka-standby din ang Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) mula Eastern Visayas Medical Center.

Patuloy ang DOH sa pagbabantay sa mga pasilidad at pag-uugnay ng tulong upang masigurong walang survivor ng lindol ang mawawalan ng access sa serbisyong medikal.

(Larawan: Philippine News Agency)