Ethics complaint kay Escudero, isinampa dahil sa P30M donasyon mula sa contractor
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-03 16:51:03
OKTUBRE 3, 2025 — Isang reklamo sa Senate Committee on Ethics ang isinampa laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng P30 milyong donasyong natanggap niya noong 2022 mula kay Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc. — isang kumpanyang nakakuha ng malalaking kontrata sa gobyerno.
Ang reklamo ay inihain ni Atty. Marvin Aceron, isang pribadong abogado, na iginiit na ang donasyon ay lumalabag sa Omnibus Election Code at sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Ayon sa batas, bawal tumanggap ng donasyon mula sa mga entity na may kontrata sa gobyerno, lalo na kung ito’y maaaring makaapekto sa tungkulin ng isang opisyal.
Sa 21-pahinang reklamo, binigyang-diin ni Aceron ang limang batayan ng paglabag: hindi kaaya-ayang asal ng isang senador, conflict of interest, impluwensyang hindi nararapat, pagbaluktot sa proseso ng public procurement, at paglabag sa batas sa halalan.
“Accepting and benefiting from a P30 million donation from a government contractor that later amassed concentrated public contract in respondent’s political bailiwick constitutes conduct unbecoming and brings the Senate into disrepute, regardless of criminal liability,” ayon sa reklamo.
(Ang pagtanggap at pakikinabang mula sa P30 milyong donasyon ng isang contractor na kalauna’y nakakuha ng mga kontrata sa nasasakupan ng senador ay hindi kaaya-aya at nakasisira sa Senado, anuman ang aspeto ng kriminalidad.)
Pinagdududahan din ni Aceron ang pahayag ni Lubiano na ang donasyon ay mula sa personal niyang pera. Aniya, dahil 99.331 porsyento ng Centerways ay pag-aari ni Lubiano, mahirap paghiwalayin ang personal at corporate na pondo, lalo na kung kulang o hindi maayos ang dokumentasyon ng kumpanya.
Humiling si Aceron ng subpoena para sa mga dokumento ng Centerways mula 2019 hanggang 2025, kabilang ang audited financial statements, bank records, bid documents, at mga transaksyon sa pagitan ni Lubiano at ng kumpanya.
Nais din niyang ipatawag si Lubiano upang ipaliwanag sa ilalim ng panunumpa ang pinagmulan ng donasyon, ang P70 milyong stockholder advances, at ang P35 milyong pagbabawas sa retained earnings ng kumpanya noong 2022.
Nanawagan si Aceron sa komite na magrekomenda ng parusa kung mapatunayang may paglabag, gaya ng censure, reprimand, suspension ng hindi lalampas sa 60 araw, o expulsion alinsunod sa mga patakaran ng Senado. Dagdag pa niya, dapat ding ipasa sa mga ahensiyang pang-usig ang anumang ebidensiya ng kriminal na paglabag.
Sa panig ni Escudero, kinumpirma niyang tinanggap niya ang donasyon at isinama ito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures. Giit niya, walang kinalaman ang donasyon sa pagkakakuha ng Centerways ng mga flood-control projects mula sa gobyerno.
Matatandaang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na P100 bilyon mula sa P545-bilyong flood mitigation budget ng gobyerno mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 ay napunta sa 15 contractors — kasama ang Centerways.
Hindi naman ikinagulat ni Escudero ang reklamo.
Sa isang pahayag, sinabi niyang “Ito ang kabayaran sa pagbanggit ko sa pangalan ni Martin Romualdez at sa pagbubunyag sa katotohanan. This is just part of the harassment from his minions (Bahagi lang ito ng pananakot mula sa kanyang mga tauhan).”
Tinawag niyang “scripted” at “desperate smokescreen” ang reklamo, at iginiit na ito’y hindi usapin ng etika kundi “political retribution.”
Samantala, sinabi ni Senador JV Ejercito, bagong chairperson ng ethics panel, na kailangang pag-usapan muna ng komite ang reklamo. Aniya, may mga independent body na tumitingin na rin sa mga kasong may kaugnayan sa infrastructure.
Sa kabila ng mga akusasyon, nanindigan si Escudero na handa siyang harapin ang imbestigasyon.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)