Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trillanes, nais imbestigahan sa umano'y pagbisita kay Duterte sa ICC

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-03 17:58:49 Trillanes, nais imbestigahan sa umano'y pagbisita kay Duterte sa ICC

OKTUBRE 3, 2025 — Handang humarap si dating Senador Antonio Trillanes IV sa imbestigasyong nais isulong sa Senado kaugnay ng umano’y utos ng gobyerno sa kanya na magsagawa ng “welfare check” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kulungan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“Game ako diyan. Pero mas madali kung tanungin na lang nila mismo si Digong kung bumisita nga ako sa kanya o hindi,” ani Trillanes sa isang Viber message. “Anyway, si Sara can talk to him over the phone any time.” 

Ito’y kasunod ng paghahain ni Senador Robin Padilla ng Senate Resolution No. 141 noong Setyembre 30, na humihiling ng pagsisiyasat sa umano’y pagtatalaga kay Trillanes bilang kinatawan ng estado para kumustahin ang kalagayan ni Duterte sa ICC.

Sa resolusyon, binanggit ni Padilla ang pahayag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte noong Setyembre 24 kung saan ibinahagi niya ang pagkabahala sa sinasabing “welfare check” na isinagawa nang walang abiso sa pamilya o sa legal team ng dating pangulo. Ayon kay Sara, ginawa umano ito sa ilalim ng “false pretenses” ng consular function at may masamang layunin — para magsumite ng ulat sa Malacañang.

Dagdag pa ni Sara, Setyembre 27 nang ipaalam sa kanilang pamilya na natagpuang walang malay si Duterte sa loob ng kanyang selda at isinailalim sa laboratory tests nang hindi sila nasabihan. 

Sa parehong araw, may lumabas na ulat na nakita si Trillanes sa labas ng pasilidad ng ICC.

Giit ni Padilla, ang umano’y pagtatalaga kay Trillanes — isang pribadong indibidwal — bilang kinatawan ng gobyerno sa isang internasyonal na hukuman ay dapat busisiin. Aniya, kailangang alamin kung may opisyal na kautusan mula sa alinmang sangay ng pamahalaan na nagbibigay ng ganoong kapangyarihan.

“There is a need to clarify whether such an act was officially sanctioned by any branch or agency of the government, and if so, under what authority and mandate such designation was given,” saad sa resolusyon. 

(Kailangang linawin kung ang naturang hakbang ay opisyal na pinahintulutan ng alinmang sangay o ahensya ng gobyerno, at kung gayon, sa anong kapangyarihan at mandato ito ibinatay.)

Binanggit din ni Padilla na may malalim na epekto ang isyu sa soberanya ng bansa, ugnayang panlabas, at karapatan ng mga opisyal ng gobyerno — kasalukuyan man o dating nanungkulan — na maaaring isailalim sa internasyonal na imbestigasyon.

Bagamat mariing itinanggi ni Trillanes ang pagbisita sa ICC, bukas pa rin siya sa imbestigasyon. 

“Not true,” sagot niya nang tanungin kung totoo ang ulat. 

(Hindi totoo.)

Sa ngayon, wala pang iskedyul ang Senado para talakayin ang resolusyon ni Padilla.

(Larawan: Antonio "Sonny" Trillanes IV | Facebook)