Diskurso PH
Translate the website into your language:

Handa ka na ba? Cebu Pacific may 10.10 sale — lipad sa halagang ₱10!

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-07 15:18:34 Handa ka na ba? Cebu Pacific may 10.10 sale — lipad sa halagang ₱10!

MANILA — Muling nagpasaya ang Cebu Pacific sa mga biyahero sa pamamagitan ng kanilang 10.10 seat sale, kung saan maaaring makakuha ng one-way base fare na P10 para sa piling domestic at international flights. Ang promo ay tumatakbo mula Oktubre 7 hanggang Oktubre 12, 2025, at saklaw ang mga biyahe mula Marso 1 hanggang Setyembre 30, 2026.

Ayon sa opisyal na pahayag ng airline, “This 10.10, travelers are in for a treat: Cebu Pacific is offering one-way base fares to select domestic and international destinations for as low as P10.” Gayunman, nilinaw ng Cebu Pacific na ang P10 base fare ay hindi pa kasama ang mga karagdagang bayarin gaya ng web admin fee, 12% VAT, terminal fee, at fuel surcharge.

Kabilang sa mga domestic destinations na saklaw ng promo ang Boracay, Cebu, Bohol, Puerto Princesa, Laoag, Kalibo, Iloilo, Tacloban, Coron, Zamboanga, Davao, Legazpi, at marami pang iba. Para naman sa international flights, maaaring makabiyahe patungong Tokyo, Hong Kong, Bangkok, Dubai, Hanoi, Macau, Da Nang, Shanghai, at Sapporo.

Maaaring mag-book ng flights sa pamamagitan ng Cebu Pacific website o mobile app, gamit ang iba't ibang payment options tulad ng credit/debit cards at e-wallets. Ayon sa airline, layunin ng promo na gawing mas abot-kaya ang paglalakbay para sa mas maraming Pilipino.

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ng Cebu Pacific na umabot sa 14 milyong pasahero ang kanilang na-serbisyuhan sa unang kalahati ng 2025, at ang kanilang net income ay lumobo sa ₱9 bilyon, mula sa ₱3.5 bilyon noong nakaraang taon. Dahil dito, plano ng airline na dagdagan pa ang bilang ng flights patungong Bangkok, Da Nang, Melbourne, at Sapporo ngayong holiday season.

Nagpaalala ang Cebu Pacific sa mga pasahero na maging maagap sa pag-book dahil limitado ang mga upuan sa promo. “Be quick and flexible with your travel dates to get the best deals,” ayon sa travel advisory ng airline.